(Isinusulong sa Kamara)STUDENT DISCOUNT SA FARE TICKETS NA BINILI ONLINE

BEEP CARD-3

NAIS ni House Committee on Bases Conversion Chairman at Isabela 6th Dist. Rep. Faustino ‘Inno’ Dy V na matiyak na nasusunod ang pagbibigay ng 20% discount sa lahat ng mga estudyante kasama ang fare tickets na binili sa pamamagitan ng online transaction.

Ayon kay Dy, may natanggap siyang mga sumbong hinggil sa hindi pagbibigay ng nasabing fare discount, lalo na sa online transactions gaya ng domestic airline at sea travel tickets at maging sa reloading ng Beep card at iba pang prepaid payment cards.

Dala, aniya, ito ng sinusunod sa ngayon na panuntunan kung saan kailangan munang magpakita ng school ID o iba pang dokumento na magpapatunay na currently enrolled ang isang mag-aaral bago siya mabigyan ng diskuwento.

“Dahil dito, kapag nag-reload ang mga estudyante ng kanilang mga Beep card, halimbawa, o kapag bumili ng plane ticket para makauwi sa kanilang mga probinsya o para magbalik-eskwela gamit ang teknolohiya, hindi na sila nakikinabang sa discount,” sabi pa ni Dy.

Kaya naman inihain ng House panel chairman ang kanyang House Bill No. 1142 o ang ‘Student Fare Discount Act of 2022’ na naglalayong maamyendahan ang Section 5 ng Republic Act No. 11314, na nagtatakda ng 20 percent student’s discount sa domestic regular fares sa lahat ng uri ng pampublikong transportasyon.

“Sa kabila ng pagtaas ng pamasahe, kailangang masiguro natin na napakikinabangan ang mga discount sa lahat ng pagkakataon. This is why mandated discounts should also be applied to tickets that are bought online,” giit ni Dy.

Aniya, hindi maaaring maging hadlang, bagkus ay dapat pa ngang makatulong nang malaki ang makabagong teknolihiya para sa mas maayos, mabilis at tamang transaksiyon kasama na ang pagbibigay ng kaukulang diskuwento sa pamasahe.

Sa ilalim ng kanyang panukala, babalangkas ng kinakailangang implementing rules and regulation (IRR) ang kaukulang government agencies para maibigay pa rin ang student’s discount kahit sa pamamagitan ng online transaction, Beep card sales and reloading at iba pang prepaid card na gamit sa public transportation.

Sinabi ni Dy na dapat masiguro na may kaakibat na proseso ang pagsusumite sa online ng iba’t ibang patunay na naka-enroll ang isang estudyante upang magkaroon ito ng discount sa kanyang babayarang pamasahe.

ROMER R. BUTUYAN