(Isinusulong sa Kamara)TAAS-BUWIS PA SA YOSI, ALAK

ALAK AT SIGARILYO

DALAWANG malalaking benepisyo ang matatamasa ng sambayanang Pilipino sa isang hakbang lamang na maaaring gawin ng gobyerno — ang dagdagan pa ang buwis na ipinapataw sa mga tinaguriang ‘sin products’, partikular na sa alak at sigarilyo.

Ito ang binigyang-diin ni AnaKalusugan Party-list Rep. Ray Reyes sa pagsusulong niyang pataasin pa ang kasalukuyang tax rate para sa alcoholic drinks, tobacco products, kabilang na ang vape at iba pang e-cigarettes.

Pagbibigay-diin ni Reyes, nais niyang ang makokolektang karagdagang sin taxes ay mailaan bilang panibagong pondo para sa pagpapatupad ng Universal Health Care (UHC) Law.

“Increasing taxes on tobacco, alcohol, and other sin products will also further help in funding the UHC and give Filipinos access to quality and affordable health care services,” anang kongresista.

Ikalawa, sinabi ni Reyes na kapag mataas ang buwis, na ang resulta ay mas mahal na presyo rin ng sigarilyo at alak, ang mga kabataan ay mas umiiwas sa pagtangkilik o pagbili nito.

“Studies have shown that Sin Tax is working lalo na sa ating mga kabataan. Through this measure, we help millions of Filipinos from acquiring preventable diseases – especially tobacco-related illnesses,” ani Reyes.

Ibinahagi pa ng kongresista ang pinakahuling ulat ng University of the Philippines Population Institute (UPPI) na mula sa 22 percent ng mga kabataang nasa edad 15-24 na naninigarilyo noong 1994, bumaba ito sa 12 percent pagsapit ng taong 2021 dahil umano sa mas mahal na presyo ng sigarilyo.

Samantala, iginiit ni Reyes na ang Pilipinas ay kabilang sa mayroong pinakamababang sin tax rate sa buong mundo at nakalulungkot na naghahabol pa rin ang bansa para maaabot ang standard na itinakda ng World Health Organization (WHO) kaugnay sa pagkakaroon ng mahusay at epektibong UHC program.

ROMER R. BUTUYAN