KASABAY ng pagpapaabot ng kanyang papuri at pasasalamat sa lahat ng mga guro, inihain ni Senior Deputy Speaker at Pampanga 2nd Dist. Rep. Gloria Macapagal-Arroyo ang panukalang batas para sa kapakinabangan ng Mathematics at Science teachers.
Sa pagdiriwang ng World Teachers’ Day, hinimok ng ranking lady House official ang lahat na magbigay pugay sa mga guro, na aniya’y maituturing na ‘fountain’ o daluyan ng pangmatagalang kaalaman ng mga kabataan.
Bilang pagkilala sa mga ito, iniakda ng former Chief Executive at ngayo’y Pampanga Congresswoman ang House Bill No. 487 o ang ‘Developing Globally Competitive Science and Mathematics Teachers Act of 2022’.
Ayon kay Arroyo, layunin ng naturang panukalang batas na masuportahan ang mga guro na nagtuturo ng Math at Science upang himukin silang manatili sa kanilang propesyon.
Nakapaloob sa HB 487 ang pagbibigay ng scholarships, gayundin ng continuing specialized trainings sa Math at Science teachers upang mas mahasa sila sa itinatayugod nilang asignatura.
Iminumungkahi rin ni Arroyo na mabigyan ng mataas na entry level pay ang mga teacher na mas pipiliing magturo ng dalawang nabanggit na major school subjects.
Upang masiguro naman na hindi kakapusin sa bilang ng kinakailangang Math at Science teachers, nais ng Pampanga solon na payagan ang Mathematics major graudates na makapagturo kahit hindi pa sila nakakakuha ng licensure examination for teacher.(LET).
“In effect, this bill will ensure that teaching in the fields of science and mathematics will be as competitive as those of other professions, and thus increase the number of competent teachers who will prepare Filipinos for global excellence,” pagbibigay-diin ni Arroyo.
ROMER R. BUTUYAN