ITINUTULAK ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto ang panukalang batas na naglalayong maibaba ang presyo ng produktong petrolyo at koryente.
Sa kanyang Senate Bill # 2440, tatlong taon na pinababawasan ng 50% ang excise tax sa gasolina at diesel, gayundin sa coal na gamit ng mga planta ng koryente.
Tatlong taon din na gagawing exempted sa value added tax ang system loss charges sa koryente.
Ayon kay Recto, batay sa report ng Department of Energy (DOE), tataas pa ang presyo ng petrolyo dahil sa pangangailangan ng maraming bansa ngayong marami ang nagbubukas ng ekonomiya.
Aniya, matinding pahirap sa publiko at mga negosyo ang pagsirit ng presyo ng petrolyo at koryente.
Dahil sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion Law o Train Law, P10 ngayon ang excise tax na ipinaataw sa bawat litro ng gasolina, P6 sa krudo at P5 sa kerosene.
Nasa P10 hanggang P150 naman ang excise tax sa bawat metriko tonelada ng coal. DWIZ 882