ITINUTULAK ni Senadora Loren Legarda ang pagkakaloob ng benepisyo sa mga opisyal ng barangay.
Sa kanyang inihaing Senate Bill No. 2786, o ang Regularization of Barangay Officials Act, sinabi ni Legarda na ang kawalan ng financial stability ng mga barangay official ay maaaring magdulot ng financial stress sa kanila, at maaaring makaapekto sa maayos na paghahatid ng serbisyo publiko.
“We want our barangay officials to receive the same full benefits that other government workers enjoy, giving them the peace of mind they deserve — especially after serving their communities,” anang senadora.
“The most basic unit of local government must also be incentivized for their efforts for their public service, as they usually are the most tangible persons of the State many residents see,” dagdag pa niya.
Sa ilalim ng panukalang batas, ang punong barangay, miyembro ng sangguniang barangay, sangguniang kabataan (SK) chairman, barangay secretary, at barangay treasurer ay ituturing nang regular na empleyado ng pamahalaan.
Magkakaroon sila ng buwanang suweldo at allowances, at magiging miyembro ng GSIS, PhilHealth, at Pag-IBIG, pati na ang ibang benepisyo sa ilalim ng Civil Service law, at iba pang alituntunin na pumapailalim sa mga kawani ng pamahalaan.
Sa ilalim ng Section 4, ang suweldo ng punong barangay ay magiging katumbas ng konsehal ng bayan o siyudad; ang mga miyembro ng sangguniang barangay ay may katumbas na 80% ng suweldo ng kapitan; at 75% para sa SK chairperson, kalihim, at ingat-yaman ng barangay.
“With the passage of this bill, we recognize that barangay officials deserve recognition for their significant role in community development and peacekeeping,” ani Legarda.
“Their dedication to public service deserves fair and regular compensation,” dagdag pa niya. VICKY CERVALES