DAHIL umakyat na ang ranggo ng Filipinas mula 111 patungong 86 sa Speedtest Global Index ng Ookla, binigyang-diin ni Senador Win Gatchalian na dapat maabot ng internet ang bawat barangay at mag-aaral upang mawakasan ang ‘digital divide’ sa bansa.
Kaya mungkahi ni Gatchalian, magpatayo ng cell site sa mga paaralan upang matiyak na konektado sa internet ang bawat barangay.
Sa pagdinig sa Senado noong Nobyembre, iniulat ng Department of Education (DepEd) na sa mahigit 22 milyong mag-aaral sa mga pam-publikong paaralan, halos 3.6 milyon lamang ang konektado sa internet at halos 1.9 milyon ang may sariling laptop.
Ayon naman kay Project BASS-Bandwidth and Signal Statistics co-founder Wilson Chua, 87 porsiyento o 36,607 sa mahigit 42,055 barangay ang walang sariling cell site.
Pahayag ng chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, may oportunidad ang bansa na mabigyan ng internet ang bawat Filipino. Ito ay dahil sa ilalim ng Bayanihan to Recover as One Act (Republic Act 11494) o Bayanihan 2, suspendido sa loob ng tatlong taon ang ilang requirements sa pagpapatayo ng cell towers, maliban sa building permit.
Balak din ni Gatchalian na maghain ng panukalang batas upang bigyan ng internet allowance at libreng laptop ang bawat mag-aaral.
Ayon sa Center for Educational Measurement, halos 60 porsiyento ng mga mag-aaral na lumahok sa 2018 Programme for International Student Assessment (PISA) ang walang access sa mga computer at internet.
Dagdag ng grupo, mas mataas na porsiyento ng mga mag-aaral na nakakuha ng mababang marka sa PISA ang walang computer o internet sa kanilang mga tahanan.
“Ang pagkakaroon ng internet at laptops sa mga panahong ito ay maitutulad na natin sa pagkakaroon ng sapat na tubig at koryente. Kung kinakailangan ng bawat tahanan ang tubig at koryente, kailangan na rin ng bawat mag-aaral ang internet at mga gadget,” ani Gatchalian.
“Sa ihahain naming panukalang batas, isinusulong natin ang konsepto ng shared responsibility. Lahat tayo ay magkakaroon ng ambag upang maipaabot natin ang internet sa tahanan ng bawat mag-aaral. Malaking halaga ang kailangan natin para rito, ngunit malaki rin ang magiging benepisyo nito dahil kung mai-angat natin ang husay ng ating mga mag-aaral, buong bansa ang makikinabang rito,” dagdag ng senador. VICKY CERVALES
680543 170484Immer etliche Firmen bentzen heutzutage Interimmanagement als innovatives und ergnzendes Gertschaft i. Spanne der Unternehmensfhrung. Denn hiermit wird Kenntnisstand leistungsfhig, bedarfsgerecht und schnell ins Unternehmen geholt. 558815