ITINUTULAK ni Senadora Imee Marcos ang murang internet access para sa mga hikahos nang sa gayon ay mas maraming Pinoy ang makapagtrabaho, makapag-aral at makapagnegosyo sa online.
“Kung nagbibigay ng ‘lifeline rates’ o mga diskwento sa mga konsyumer ng tubig at koryente, bakit hindi tayo makapagbigay ng kaparehong diskwento para sa internet access?” tanong ni Marcos.
Ang ‘socialized pricing mechanism’ o ang mekanismo para sa akmang presyo para sa mga hikahos ang solusyon sa gitna ng mabagal na pagpapapalawak ng libreng wifi sa mahihirap na lugar, na puwede nang ipatupad ng gobyerno at mga kompanya ng telekomunikasyon, ayon sa Senate Bill 2012 o ang “Public Telecommunications Policy Act of the Philippines.”
Nakasaad sa Marcos bill ang lifeline rate para sa broadband at tagal ng paggamit ng data ayon sa pagkonsumong hindi bababa sa one gigabyte (1GB) kada buwan.
“Ang mga mababa lang ang kita na gumagamit ng internet ay mas nangangailangan ng higit sa mga paminsan-minsang mga mobile promo, lalo na’t nagiging pangunahing pangangailangan na rin ang internet katulad ng tubig at koryente. Magiging permanente na ang work-from-home, online classes, e-commerce at internet banking,” sabi pa ng chairman ng Senate economic affairs committee.
Nasa ika-48 na puwesto ang Pilipinas sa kabuuang 110 na bansa sa Digital Quality of Life Index 2021, ranggong pinababa ng mahal na internet, ayon sa Surfshark, isang cybersecurity firm na nakabase sa Netherlands.
Sa iba pang apat na criteria, pang-20 ang ranggo ng Pilipinas pagdating sa kalidad ng internet, pang-30 naman sa internet security, pang-63 sa e-infrastructure at pang-67 sa e-government. VICKY CERVALES