(Isinusulong sa Senado) LIFELINE RATE SA INTERNET ACCESS

imee marcos

IGINIIT ni Senadora Imee Marcos na kailangang kilalanin ang internet access bilang  pangunahing karapatan sa kaparehong lebel ng koryente at tubig.

Ayon kay Marcos, ang pagkakaroon ng lifeline rate para sa paggamit ng internet ay kasing importante ng desisyon ng bi-cameral conference committee nitong Martes na palawigin ang lifeline rate sa pagkonsumo ng koryente hanggang 2051.

“Kailangang makaagapay o makasabay ang mga Filipino sa mga hamong hindi lamang dulot ng pandemya ng COVID-19 kundi nitong 21st century. Matutugunan ng lifeline rate ang pangangailangan at hangarin ng bansa,” sabi ni Marcos.

“Puro na lang daldal na magkakaroon ng libreng internet sa mga pampublikong lugar, pero kulang naman sa badyet, walang malinaw na plano, at bigong makipag-ugnayan sa mga pribadong telcos,” dismayadong pahayag ni Marcos na tumutukoy sa napakabagal na implementasyon ng Republic Act 10929 o ang Free Internet in Public Places Act.

Inihain ni Marcos ang Senate Bill 2102 upang maitatag ang “broadband and data lifeline rate” para sa paggamit ng internet, kasabay ang pag-aamyenda sa Public Telecommunications Policy Act of the Philippines.

Sa ilalim ng panukala ni Marcos, ang lifeline rate para sa paggamit ng internet ay magbibigay ng iba’t ibang diskwento sa household beneficiaries o mga nasa bahay at mga ‘marginalized end-users’ o nakararaming mahihirap na gumagamit ng internet.

Ang mga diskuwento ay ibabase sa pagkonsumo na hindi bababa sa isang gigabyte (1GB) kada buwan.

Ang household beneficiaries ay tutukuyin base sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), habang ang mga itinuturing na nasa marginalized sector ay pipiliin sa pamamagitan ng pamantayang bubuuin ng National Telecommunications Commission at sertipikado ng iba’t ibang public telecommunications entities.

“Bukod sa mahinang signal at tumataas na bilang ng mga naghihirap, mas dumarami rin ang mga Filipinong napag-iiwanan ng Information age dahil limitado sila sa mga mobile promo tulad ng Free Facebook,” paliwanag ni Marcos.

Ayon sa April 2020 survey ng Pew Research Center, ang Filipinas ay nasa ika-29 mula sa 34 na mga bansa, pagdating sa internet access.

Sa usapin naman ng affordability o kung kayang bayaran, ang bansa ay pang-82 mula sa 85 na mga bansa kung tutukuyin ang Digital Quality of Life Index 2020. VICKY CERVALES

One thought on “(Isinusulong sa Senado) LIFELINE RATE SA INTERNET ACCESS”

Comments are closed.