(Isinusulong sa Senado) MAGNA CARTA PARA SA BRGY HEALTH CARE WORKERS

MATAPOS ang barangay at Sangguniang Kabataang elections (BEKE), isinusulong naman ngayon ni Senador Win Gatchalian ang magna carta para sa barangay health care workers (BHWs) upang mapangalagaan ang kalusugan at kapakanan ng mga komunidad.

Sa inihain niyang Senate Bill No. 1840, kinikilala ang papel ng BHWs bilang community organizers, educators, primary health care service providers, at iba pa.

Nakasaad sa panukalang batas ang mga iminumungkahing dagdag-benepisyo at insentibo na akma sa pangangailangan ng barangay health frontliners.

“Ang mga barangay health workers ang isa sa mga pinakamalapit sa ating mga kababayan sa paghahatid ng mga mahahalagang serbisyong pangkalusugan. Ngunit napag-iwanan na ng panahon ang mga benepisyong ibinibigay natin sa kanila, kaya naman panahon na upang ibigay sa kanila ang nararapat na mga benepisyo batay sa ginagampanan nilang mga responsibilidad,” ani Gatchalian.

Ayon sa senador, hindi na tugma ang aktwal na papel na ginagampanan ng BHWs sa mga benepisyo, sahod, at proteksiyong nakasaad sa Republic Act No. 7883 o ang Barangay Health Workers’ Benefits and Incentives Act of 1995.

Kabilang sa mga iminumungkahi ng senador ang mga sumusunod: buwanang honoraria na hindi bababa sa P3,000, ngunit maaaring itaas batay sa prevailing market value; hazard allowance na itatakda ng local health board ng local government unit, ngunit hindi bababa sa P1,000 kada buwan; transportation allowance na hindi bababa sa P1,000 kada buwan; at one-time gratuity cash incentive na hindi bababa sa P10,000 para sa mga nakapagsilbi ng 15 taon.

Iminumungkahi rin ni Gatchalian ang mga discount privileges, benepisyong pangkalusugan, insurance coverage, sick at maternity leaves, libreng legal services, preferential access sa mga loan, training, education, at career enrichment programs, bukod sa iba pa. Ipinagbabawal din ng panukalang batas ang diskriminasyon laban sa mga BHWs.

Nakasaad sa panukalang batas na walang BHW ang tatanggalin sa puwesto maliban na lamang kung may matinding dahilan na tinukoy ang local health board.

Mandato naman sa local health boards na bumuo ng mga grievance mechanism, kung saan ipoproseso ang mga reklamo ng BHWs laban sa mga umano’y diskriminasyon at hindi makatarungang pagkakatanggal sa pwesto.

VICKY CERVALES