ITINUTULAK ni Senador Manuel ‘Lito’ Lapid ang pagbibigay ng buwanang pensiyon sa persons with disabilities (PWDs) na walang permanenteng kita at sinusuportahan lamang ng mga kaanak para sa kanilang mga pangangailangan.
Sa Senate Bill 1506 na kanyang inihain ay nais ni Lapid na bigyang prayoridad at karampatang tulong ang PWDs.
“Sa panahon na matindi ang pagsubok at kahirapan na pinagdaraanan ng publiko, huwag sana nating kalimutan na mas higit na hirap ang dinaranas ng mga kapatid nating may kapansanan. Kailangan nila ng tulong mula sa gobyerno at karapatan din nilang makatanggap ng ayuda para makabili ng mga pangangailangan nila,” ani Lapid.
Sa ilalim ng panukala, ang lahat ng indigent PWDs na ‘verified and certified’ ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at ng National Council on Disability Affairs (NCDA) ay pagkakalooban ng buwanang pensiyon na nagkakahalaga ng P2,000.
Sa sandaling maipasa ang nasabing panukala, maglalaan ang pamahalaan ng P2 bilyon para sa unang taon ng implementasyon nito na nakapaloob sa annual General Appropriations.
“Malaking bagay na may dagdag tulong pinansiyal ang ating gobyerno sa mga kapatid nating may kapansanan at walang regular na pinagkukunan ng kita. Inaasahan nating gagamitin ang ayudang ito para ipambili ng kanilang pagkain at gamot kada buwan. Sisiguraduhin din natin na maglalagay ng sapat na pondo ang Kongreso para maipatupad nang maayos at mabilis ang programang ito oras na maisabatas na ito,” ani Lapid.
Sa pagpapatupad ng nasabing programa, inaatasan ang DSWD at NCDA na bumuo ng data base para sa lahat ng indigent PWDs.
Gayundin, pagkakalooban ang mga ito ng ‘authentic PWD Identification card’ alinsunod sa Magna Carta for Persons with Disabilities (RA 7277) na pre-requisite bilang kuwalipikadong benepisyaryo sa ilalim ng nasabing batas.
At kapag napatunayang nanloko o nandaya sa ilalim ng naturang programa, may parusa at multang ipapataw sa mga ito na mula P25,000 hanggang P50,000. Kapag naulit pa ang panloloko ay pamumultahin ito ng mula P50,000 hanggang P100,000.
Kaugnay nito, inaasahan din ang pagkakaroon ng taunang ulat ng DSWD at NCDA hinggil sa estado ng implementasyon ng nasabing programa. VICKY CERVALES
Comments are closed.