(Isinusulong sa Senado) P1-M DEPOSIT INSURANCE

Sen Sonny Angara-4

DAHIL mas maraming Pinoy na ang pinipiling magtabi ng pera sa bangko, ipinanukala ng isang senador na taasan ng Philippine Deposit Insurance Corporation (PDIC) ang insurance coverage nito, at gawin nang P1 milyon kada depositor mula sa kasalukuyang P500,000.

Sa kanyang Senate Bill 2089, sinabi ni Senador Sonny Angara na kakailanganin din ang iba pang pag-amyenda sa PDIC charter upang mas maging akma ang sistema  nito sa mabilis na pagbabago ng financial landscape sa bansa.

Base na rin sa datos ng PDIC noong Setyembre 30, 2020, umaabot sa 96.7 porsiyento o 76.1 milyon mula sa kabuuang 78.7 milyong total deposit accounts na nakadeposito ngayon sa 537 iba’t ibang bangko sa bansa ang nasa ilalim ng kanilang insurance.

Sinabi ng insurance corporation na nagkaroon ng double-digit growth sa total deposit accounts sa mga bangko sa bansa, o  lumaki ang mga ito ng 9.5 percent year-on-year mula P13.1 trilyon na umabot na sa P14.3 trilyon.

Ikinatuwa naman ni Angara ang pagdami ng bank depositors sapagkat nangangahulugan lamang ito na mas marami na ang mga Filipinong nakapag-titipid. Malaki,  aniya, ang naitutulong ng pagbabangko, lalo na sa mga panahong tulad ng pandemya.

Matatandaan na si dating Senate President Edgardo Angara, ama ni Angara, ang nanguna sa pagsusulong na maisabatas ang panukalang pagtaas sa deposit insurarnce coverage na P250,000 sa P500,000, na naging daan sa Republic Act 9576 noong 2009. Ito ang batas na nagtatakda na itaas sa P500,000 ang deposit insurance sa PDIC.

Sa panukala ni Angara, kada tatlong taon ay sasailalim sa pagrereapaso ng PDIC Board of Directors kung ano ang maximum deposit insurance coverage nito. Ibabase rin ang insurance coverage sa galaw ng inflation at ng ekonomiya.

At upang maiwasan ang sapawan sa pagitan ng PDIC at ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), itatalaga sa panukalang batas ang mga partikular na kapangyarihang igagawad sa deposit insurer.

Upang matiyak din na naaayon ang compensation scheme ng PDIC sa iba pang government-owned and controlled corporations and government institutions, nilalayon din ng panukala ni Angara na alisin ang exemption ng korporasyon sa salary standardization laws. VICKY CERVALES

Comments are closed.