UPANG mapalago ang maliliit na negosyo o yaong tinatawag na micro, small and medium enterprises (MSMEs) na tinaguriang “backbone of the Philippine economy”, isusulong ni Senador Win Gatchalian ang pagsasabatas sa Senate Bill No. 2366 o ang One Town, One Product Philippines Act.
Layon ng panukala na ibangon ang mga negosyong pinadapa ng pandemya, lalo na ang mga nasa kanayunan, upang makalikha ng mga trabaho at makapagbigay ng iba’t ibang livelihood opportunities.
Sa ilalim ng OTOP Philippines Program, hinihikayat ang paggamit ng mga materyales na gawang lokal pati na rin ang mga itinuturing na local skills and talents. Sakop nito ang mga processed food, produktong ginawa sa tradisyonal na paraan, wellness products at cosmetics, agriculture-based na produkto gaya ng kape at cacao, at mga serbisyong tulad ng hilot, paglililok, at iba pa.
“Habang itinataguyod natin ang mga ipinagmamalaking sariling produkto ng bawat bayan, siyudad, at rehiyon sa buong bansa, mabibigyan din natin sila ng pagkakataong makabuo ng iba’t ibang inobasyon sa kanilang mga produkto at serbisyo na magpapalago sa kanilang lokal na ekonomiya at makapagbibigay ng mas maraming trabaho,” ani Gatchalian.
Ang konsepto ng OTOP, ayon sa vice chairperson ng Senate Economic Affairs Committee, ay ipinatutupad na noon pang 2012. Ito’y nakapaloob sa Executive Order No. 176 s. 2003 o “Isang Bayan, Isang Produkto, Isang Milyon” at muling inilunsad noong 2017 bilang OTOP.
Batay sa Impact Assessment Surveys of COVID-19 on the MSE Sector ng Department of Trade and Industry (DTI), magmula noong magkapandemya ay umabot sa 52.5% ang mga nagsarang MSMEs hanggang Hunyo ng nagdaang taon at umakyat pa ito sa 52.7% noong katapusan ng Setyembre ngayong taon.
Ayon pa sa naturang survey, bagaman may 27.7% ng MSMEs ang tuluyan nang huminto sa kanilang operasyon noong Hunyo ng nagdaang taon, bumaba ang numero sa 6.9% nito lamang Setyembre.
Batay pa rin sa datos ng DTI, umabot sa P56.89 milyon ang nalikom na kita ng MSMEs hanggang Setyembre 30, 2021. Mula sa mga naitatag na 66 OTOP hubs, 13 na rito ang lumipat sa online platform.
Sa panukala ni Gatchalian na “One Town, One Product Philippines Act”, imamandato rin sa Department of Tourism (DOT), Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), Philippine Ports Authority (PPA), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at iba pang ahensiya na maglaan ng mga establisimiyentong magiging OTOP Philippines hubs na nagtatanghal ng mga produktong sakop nito. VICKY CERVALES