(Isinusulong sa Senado) PROTEKSIYON SA CONSUMERS VS CYBERCRIME

BSP

INIHAIN ni Senadora Grace Poe ang panukala na nagsusulong ng proteksiyon sa mga konsyumer laban sa cybercrime tulad ng ‘skimming’ at ‘phishing’ na umabot na sa all-time high dahil pawang online na ang mga transaksiyon sa gitna ng pandemya.

Layon ng Senate Bill No. 2380 o ang “Bank Account, E-wallet, and Other Financial Accounts Regulation Act” na magpatupad ng matatag at epektibong financial system at bigyang proteksiyon ang publiko laban sa mga cybercriminal at sindikato na tumatarget sa bank accounts at e-wallets.

“Sa ilalim ng panukalang ito ay masisiguro natin na maiingatan ang pinaghirapang kita ng publiko at mapananatili ang tiwala at kumpiyansa ng ating kababayan sa kasalukuyang financial system sa patuloy na mga pagbabago at reporma sa cyberspace,” ani Poe.

Sa datos ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), 98.4 porsiyento ng krimen at pagkalugi na iniulat ng mga bangko mula Marso 15 hanggang Mayo 18, 2020 ay pawang naganap online na umaabot  sa P60.6 milyon.

Gayundin, iniulat ng Philippine National Police (PNP) Anti-Cybercrime Group na tumaas ng 37 porsiyento ang mga online scam mula Marso hanggang Setyembre 2020 kumpara sa kaparehong panahon noong 2019.

“Sa pamamagitan ng mga digital platform, naging posible ang pagpapatuloy ng ating ekonomiya subalit kaakibat nito ang oportunidad para sa mga krimen. Dahil dito, kailangan natin ng matibay na proteksiyon hindi lamang upang maiwasan ang anumang criminal activity kundi para rin mabuksan ang buong potensiyal ng digital platforms,” paliwanag ni Poe, chairperson ng Senate committee on banks, financial institutions and currencies.

Aniya,sa sandaling maisabatas ang panukala, mandato ng BSP, Department of Justice, Department of Information and Communications Technology, National Bureau of Investigation at PNP na bumalangkas ng “Anti-Scam/Financial Fraud Roadmap” upang palawakin ang kaalaman ng mga konsyumer sa mga financial scam at kung paano ito maiiwasan kasabay ng pagpapanagot sa mga nasa likod ng financial cybercrime cases.

Alinsunod din sa panukala, mandato ng mga bangko, non-bank financial institutions, at iba pang kahalintulad na institusyon na agarang tumugon sa cybercrime reports at palakasin ang kanilang online platforms, payment systems at data security. VICKY CERVALES

4 thoughts on “(Isinusulong sa Senado) PROTEKSIYON SA CONSUMERS VS CYBERCRIME”

Comments are closed.