PARA maengganyo ang industriya ng pelikula at teleseryeng Pilipino, inimungkahi ni Sen. Robin Padilla na taasan ang buwis para sa mga pelikula at teleserye na galing sa ibayong dagat.
Ayon kay Padilla, ang pondo na galing sa mas mataas na buwis sa mga ‘imported’ na palabas ay maaaring gamitin para sa nagtatrabaho sa industriya ng pelikulang Pilipino.
“Maaari po bang gawan natin ng paraan na taasan ang tax nitong mga foreign series na pumapasok sa atin? Kahit paano po ang subsidy na makukuha, ibigay natin sa workers sa industry natin sa local… Sampahan natin itong mga pagpasok ng foreign dahil maraming nawawalan ng trabaho dito,” pahayag ng senador sa pagdinig ng Senado sa budget ng Film Development Council of the Philippines.
Suportado ni Padilla ang pagbibigay ng pondo sa FDCP para i-restore ang lumang pelikulang Pilipino. Suportado rin niya ang mungkahi ng FDCP para magkaroon ng sariling gusali na may vault para hindi masira ang pelikula.
Ani FDCP Chairman Tirso Cruz III, ang mungkahing sariling gusali ay magtatagal ng 40-50 taon; at ang binabayarang renta sa kasalukuyang gusali na P500,000 kada buwan ay maaaring ma-realign sa pagtulong ng production at sa pelikulang Pilipino, lalo sa mga batang direktor at scriptwriter.
Pabor din si Padilla na gawing panturismo ang mga lugar kung saan ginawa ang mga pelikulang Pilipino.
“Ang pelikula pag tiningnan natin investment na ito habang buhay. Kung preserved or restored walang pagtanda dito. Kasaysayan ito, kultura. Ito masasabi na treasure natin,” aniya.
“Dito sa Southeast Asia, tayo ang unang gumawa ng pelikula at tayo po palagi ang nananalong best actor, best picture sa Asia… Lahat po ay nagmamalasakit sa pelikulang Pilipino. Siguro ito ang umpisa na makaabante tayo,” dagdag ni Padilla.
VICKY CERVALES