(Isinusulong sa Senado)MENTAL HEALTH OFFICES SA SUCs

BUNSOD ng pagtaas ng kaso ng mental health issue sa mga mag-aaral na Pilipino, itinutulak ni Senador Jinggoy Ejercito Estrada ang pagkakaroon ng mental health offices (MHOs) sa mga kampus ng lahat ng state universities and colleges (SUCs) sa bansa.

“Maraming pag-aaral ang lumabas na ukol sa lumalalang problema sa estado ng mental health ng ating mga kabataan sa ngayon. Hindi dapat natin itong ipagwalang-bahala. Dapat aksiyunan ito at solusyunan. Mahalagang pagtuunan ito ng pansin nang hindi na madagdagan pa ang ating mga mag-aaral na depressed,” sabi ni Estrada.

Tinukoy ng senador ang ulat ng World Health Organization (WHO) sa adolescent mental health kung saan napag-alaman na ang suicide ay pang-apat na pangunahing sanhi ng kamatayan sa mga kabataang may edad 15 hanggang 29.

Sinabi rin sa ulat na ito na may epekto kalaunan ang hindi agarang pagtugon sa problema sa mental health ng mga kabataan dahil nalilimitahan ang pagkakaroon nila ng maayos na pamumuhay pagtuntong nila sa hustong gulang.

“Upang matiyak ang pagkakaroon ng access sa pangangalaga sa kalusugan ng isip at para na rin pangalagaan ang kapakanan ang mga apektadong kabataan, kailangan na magtatag ng mga MHO sa lahat ng ating SUC. Sakop na rin nito ang mga guro at mga kawani sa mga kampus ng ating mga SUC sa buong bansa,” ani Estrada sa kanyang Senate Bill 1508.

Sa ilalim ng panukala, ang lahat ng SUCs ay dapat magkaroon ng mga MHO at hotline sa lahat ng kanilang kampus na pangangasiwaan ng mga guidance counselor na may kasanayan sa pagbibigay ng kinakailangang tulong sa mga mag-aaral, guro at kawani nito. Dapat din na ibigay ang kaukulang atensiyon sa mga may problema sa mental health lalo na sa mga taong nasa panganib na magpakamatay.

Maglalagak ng mga eksperto sa mental health para pangasiwaan ang mga MHO at ang paghirang sa kanila para mabigyan ng plantilla position, contractual o part-time na estado ng trabaho sa mga kampus ng SUCs ay isasailalim sa pagsusuri at pag-apruba ng Department of Budget and Management (DBM).

Ang mga kawani ng MHO ay isasailalim din sa continuing training na may pagsasaalang-alang sa mga pinakabagong impormasyon, pag-aaral at kaalaman sa mental health at mga mental health services.

Iaatas rin na palakasin ang kampanya sa kamalayan ukol sa mental health lalo na sa aspeto ng suicide prevention, stress handling, nutrisyon, paggabay at pagpapayo.

Ito ay upang matiyak, ani Estrada, na ang buong kumunidad ng SUC, lalo na ang mga mag-aaral ay mulat sa in-campus mental health services.

VICKY CERVALES