(Isinusulong sa Senado)PROTEKSIYON,BENEPISYO SA CAREGIVERS

Caregiver

BUBUSISIIN ng Senate Committee on Labor, Employment, and Human Resources Development ang panukalang batas na magbibigay proteksiyon laban sa pang-aabuso, harassment, karahasan at pagsasamantala, at magkakaloob ng mga kaukulang benepisyo sa mga caregiver tulad ng monetization ng hindi nagamit na annual service incentive leave.

“Nais nating bigyan hindi lang ng insentibo pati na rin ng dignidad ang mga caregiver sa lahat ng sulok sa ating bansa,” ani Estrada, may-akda ng Senate Bill No. 1440 o ang panukalang “Caregivers Welfare Act”.

Nakatakdang magsagawa ng pagdinig si Estrada sa Lunes sa nasabing mga panukala na may katulad na bersyon na inihain nina Senador Loren Legarda, Sonny Angara, Francis Tolentino, at Ramon Revilla Jr.

Paliwanag ni Estrada sa kahalagahan ng nasabing panukala, hindi nabibigyan ng nararapat na benepisyo ang mga caregiver na mataas ang demand sa kanilang serbisyo lalo na sa labas ng bansa.

“Ang mga caregiver ay kadalasang hindi nabibigyan ng sapat na sahod at napipilitang magtrabaho ng mahabang oras. Mabigat ang tungkuling ginagampanan ng ating mga caregiver kaya nararapat lamang na pahalagahan ng gobyerno ang kanilang propesyon at tugunan ang kawalan ng proteksyon at benepisyo sa kanilang hanay,” anang senador.

Nilalaman ng SB 1440 ni Estrada ang panukalang patnubay para sa paghahanda at pagpapatupad ng mga employment contracts, pagsusumite ng pre-employment requirements, bilang ng oras ng trabaho, minimum wage, pagbabayad ng sahod, leave and other benefits, hindi pagbawas ng benepisyo, proteksiyon mula sa hindi makatarungang pagkatanggal sa trabaho, proteksiyon sa mga tinanggap sa pamamagitan ng private employment agencies, settlement of disputes, tungkulin ng caregivers at mga pangunahing pangangailangan na dapat ipagkaloob ng mga employer.

Sa mungkahi ni Estrada, dapat nasa walong oras ang bawat shift at ang karagdagang oras ay dapat masakop ng mandatory overtime pay. Dapat din aniyang nasa minimum wage ang sahod ng mga caregiver o batay sa naaangkop na minimum na sahod ng nasasakupang rehiyon.

Naglagay rin ng probisyon si Estrada sa pagbibigay ng taunang annual service incentive leave na hindi bababa sa limang araw para sa mga caregiver na nakapanilbihan ng isang taon at ang mga hindi nagamit na annual leave ay mabibilang sa susunod na taon.

Ang mga hindi nagamit na service incentive leave ay maaaring ma-monetize, aniya.

Itinitutulak din ni Estrada na mapasailalim sila sa Social Security System (SSS), Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) at Home Development Mutual Fund (HDMF) o Pag-IBIG at makakuha ng iba pang benepisyo na naaayon sa batas.

“I actually filed this bill as early as 2014. I re-filed this bill para mabigyang buhay ulit itong panukalang batas na makapagbibigay insentibo at proteksiyon para sa ating mga caregivers,” dagdag pa ng senador.

VICKY CERVALES