NAIS ni Senador Chiz Escudero na dagdagan ang suweldo ng nasa 2,000 dentista na nagtatrabaho sa pampublikong sektor upang maakit ang iba pa na pumasok at manatili sa serbisyo ng gobyerno.
Inihain ni Escudero ang Senate Bill 2082 o ang Public Dentist Salary Modification Act matapos na mag-co-author ng panukalang naglalayong magbigay ng dagdag sahod sa libo-libong guro sa pampublikong paaralan.
Itinutulak ni Escudero na itaas ang entry level na suweldo ng apat na bingaw hanggang P43,030 — na sa kasalukuyan ay katumbas ng Salary Grade (SG) l7—mula sa kasalukuyang P31,320 o SG-13.
“One of the primary reasons why the government fails in recruiting dentists is the disparity between the authorized remuneration for public dentists and the potential income dentists could earn in private practice,” ani Escudero.
“Private dental practice can potentially earn more than what the government can offer, and without the stringent requirements and restrictions that come with employment in the civil service,” dagdag pa niya.
Layon ng panukala na baguhin ang salary grade para sa mga dentista na nagtatrabaho sa lahat ng ahensiya at instrumentalidad ng gobyerno, kabilang ang mga ahensiya ng pambansang pamahalaan, mga korporasyong pag-aari at kontrolado ng gobyerno, mga unibersidad at kolehiyo ng estado, at mga yunit ng lokal na pamahalaan.
“Kulang na kulang ang bilang ng ating mga dentista na nasa gobyerno. With the proposed salary adjustment, hopefully, we will be able to retain our existing dentists in the public sector and attract new ones as well,” ayon pa sa senador.