ISKEDYUL SA PAMAMALENGKE INILABAS

palengke

NAGLABAS ng advisory si Paranaque City Mayor Edwin L. Olivarez tungkol sa araw ng pamamalengke sa mga pamilihang bayan sa lungsod upang maiwasan at alisin ang pagkukumpulan ng mga tao sa pampublikong lugar na magpapatibay din sa pagpapatupad ng social distancing.

Sinabi ni Olivarez na mahigpit na ipapatupad ang iskedyul ng araw ng pamamalengke sa mga pamilihan base sa huling numero ng hawak na home quarantine pass (HQP) ng bawat residente ng lungsod.

Ayon kay Olivarez, ang mga may hawak ng HQP na ang control number ay nagtatapos sa bilang 1 at 2 ay hindi maaring mamalengke sa araw ng Lunes habang ang mga HQP na may huling numero na 3 at 4 ay hindi naman pwede mamalengke sa araw ng Martes.

Kapag 5 at 6 naman ang huling numero ng HQP na hawak ng isang residente ay pinagbabawalan ang mga ito na magpunta sa palengke sa araw ng Huwebes samantalang ang mga may hawak naman ng 7 at 8 ay hindi pahihintulutan na mamili sa araw ng Biyernes.

Sa araw naman ng Sabado ay hindi papayagang mamalengke ang mga may hawak ng HQP na ang control number ay nagtatapos sa 9 at 0 habang ang araw ng Linggo ay papayagan na ang lahat ng may hawak na HQP na mamili sa pamilihang bayan ng lungsod.

Ang araw ng Miyerkules, ayon kay Olivarez, ay inireserba naman para sa pagdi-disinfect ng mga pampubliko at pribadong merkado sa lungsod.

Hindi naman isinama ng lokal na pamahalan ang pagbabawal sa pagpunta ng mga residente upang mamili sa Bulungan Seafood Market dahil may sariling sinusunod na oras na skedyul ang naturang palengke.

Sa pagtatapos ni Olivarez ay sinabi ng alkalde na sisimulan ang pagpapatupad ng marketing schedule na ito ngayong araw. MARIVIC FERNANDEZ

Comments are closed.