ITINALAGA ni Pangulong Rodrigo Duterte si dating Manila Vice Mayor Francisco Moreno Domagoso na mas kilala sa pangalang Isko Moreno bilang bagong Undersecretary ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Si Moreno ay nauna nang itinalaga ni Pangulong Duterte na chairman ng North Luzon Railways Corporation noong Hunyo 2017 subalit nagbitiw sa puwesto noong Oktubre 2017.
Dating artista si Moreno bago pumasok sa politika noong taong 1998 kung saan ay nahalal na top coun-cilor sa unang distrito ng Maynila.
Tatlong termino na nagsilbi bilang konsehal at pagkaraa’y nahalal bilang bise alkalde ng Maynila. Tumakbo bilang senador noong nakaraang halalan ng 2016 subalit nabigong manalo.
Bukod kay Moreno, hinirang din sa puwesto sina Sherwin Rigor bilang Undersecretary ng Department of Environment and Natural Resources, Antonio Joselito Llambino II bilang Assistant Secretary ng Department of Finance at Gerard Melocoton Camina bilang Board of Director ng Bases Conversion and Development Authority.
Ang appointment papers ng apat na bagong opisyal ay may petsang Mayo 8, 2018. EVELYN QUIROZ
Comments are closed.