ISKO BASTED KAY INDAY SARA

HINDI po mangyayari ang Isko-Sara tandem!

Ito ang tahasang sinabi ni Lakas-CMD vice presidential bet Inday Sara Duterte kasabay ng pagbibigay-diin na solido ang kanyang tiwala at loyalidad sa ka-tandem na si presidential aspirant Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr.

“I truly appreciate the love of so many for me and I do not wish to impose upon you my choice for president. While I continue to respect your decision to support another presidential candidate, it is with a heavy heart that I cannot be one with you on this,” ani Duterte.

Ang pahayag ay ipinalabas ni Duterte bilang tugon sa plano ng kampo ni Isko Moreno na maka-tandem siya sa darating na halalan.

Sinabi ng presidential daughter na sa kabila ng mga pagsubok at limitasyon, ang preparasyon sa niya sa kandidatura bilang vice-president ni Marcos ay nananatiling maayos sa tulong ng mga volunteers at tagasuporta sa iba’t ibang panig ng bansa na tunay na nagbibigay sa kanya ng lakas, katatagan at inspirasyon!

“Lagi ring nandyan si Bongbong Marcos, ang aking kandidato sa pagka-pangulo. Dahil sa kanyang karanasan sa pamamahala, naniniwala ako sa kahandaan at kakayahan ni BBM na pamunuan ang ating bansa. Nang nagdesisyon akong tumakbo pagka-vice-president, pinili ko pong maging ka-tandem si BBM. Dahil dito, nabuo ang Uniteam BBM-Sara,” ani Duterte.

Binigyang-diin pa nito ang walang kapantay niyang loyalty sa kinaanibang partido na Lakas CMD, gayundin sa Partido Federal ng Pilipinas (PFP) na partido naman ni Marcos.

“Alam ko po na pareho ang ating mga adhikain para sa ating bansa. At para magtagumpay tayo, dapat ay iisa lang ang daang ating tinatahak. Kung kaya patuloy akong umaasa ng suporta ninyo sa UniTeam,” wika pa ni Duterte.

Nitong nakalipas na Sabado, isang grupo na nagpakilalang IS-SA o Isko-Sara Unity Team ang naglunsad para ilaglag ang katandem ni Isko na si Dr. Willie Ong at hikayatin si Duterte na suportahan si Isko – bagay na tinanggihan ng running-mate ni Marcos.

“Mahalaga po sa akin ang paninindigan at isang salita,” wika pa ni Duterte sabay sabing walang makabubuwag sa BBM-Sara UniTeam.

“Mahalaga ang pagpili ng isang team na maglilingkod sa ating bayan. Handa ang UniTeam BBM-Sara para harapin ang mga hamon sa pamamahala. Mahalin natin ang Pilipinas,” dagdag pa nito.

Sa kabila ng anumang pagtatangka para gibain ang BBM-Sara UniTeam, nagpapatuloy ang panawagan ng tambalang Marcos-Duterte sa mamamayang Pilipino ng pagkakaisa upang malagpasan ang dinaranas na kahirapan ngayong pandemya.