PERSONAL na nagronda sa mga kalye sa kabisera ng bansa si Manila Mayor Isko Moreno upang inspeksyunin ang mga nagaganap sa lungsod.
Kahit umuulan, nag-ikot ni Moreno gamit ang mobile car ng special mayor’s reaction team (SMART) na personal nitong minaneho kasama ni Lt. Col. Jhun Ibay na sinimulan ng alkalde ng hatinggabi at natapos ng madaling araw.
Ginamit ng alkalde ang radyo ng patrol car upang pagsabihan ang lahat ng kanilang nakikita sa kalye na magsuot ng face masks ng maayos at ipatupad physical distancing.
Lubha namang nasorpresa at natuwa ang mga taong maagang nagsisipagtrabaho nang makita ang alkalde na nagroronda at binibisita sila.
Sa Manila City Hall na muling natutulog si Moreno simula nang tumaas ang bilang ng kaso ng COVID-19 kaya’t sinorpresa nito ang mga kalye sa lungsod nang biglaang pag-iikot ng walang nakakaalam ng kanyang plano.
Inikutan ng alkalde ang Tondo gayundin ang mga kaganapan sa abalang lugar ng Divisoria kung saan muli niyang inulit ang paalala sa mga tao na isuot ng maayos ang face masks mag-observe ng safe distance mula sa isa’t isa dahil ito lamang aniya ang susi upang magpatuloy ang kanilang hanapbuhay sa araw-araw.
Kabilang sa binisita ng alkalde ay ang CEU Mendiola, Sampaloc, Blumentritt, Maceda, Solis, Gagalangin, Solis, Smokey Mountain, Herbosa, Velasquez, Panday Pira, Moriones, Kagitingan, Recto at iba pang loob na kalye.
Sa pamamagitan ng biglaang pagroronda ay nalaman ni Moreno kung paano ipinatutupad ang curfew hours sa lungsod ng mga barangay.
May mga nasermunan din mga rider ng motorsiklo na walang suot na helmet at inobliga ito na isuot ang kanilang proteksyon sa ulo. Pinuri naman ni Moreno ang barangay officials na nakasalubong nitong nag-iikot din habang ang iba ay naka-duty at ipinatutupad ang curfew.
Patuloy sa pagpapaalala si Moreno sa lahat ng residente ng Maynila na huwag magpabaya sa kanilang proteksyon kontra COVID-19 at ugaliing gawin ang minimum health protocols habang paparating pa lamang ang bakuna. Kailangang aniyang gawin ng boluntaryo ang sariling displina upang maproteksyunan ang sarili laban sa virus. VERLIN RUIZ
Comments are closed.