USONG-USO talaga ngayon ang mga ‘negatrons’ at mararamot, mga feeling entitled.
Tulad ni Negastar Sharon na asawa ni Mr. Kiko Cuneta, aba, kinastigo si Atty. Sal Panelo, kasi wala raw permiso niya na kantahin ang “Sana Wala Nang Wakas” na kuno raw ay isang klasikang kanta, huh?
Bintang ni Negatron Sharon, pang-Nanay Lu raw lang ang kanta niya at hindi sa ibang kalaban nila sa pulitika, taray!
Pangaralan mo nga Mang Kiko ang misis mo, kasi, kantora (singer) lang siya, at for your info, may permiso ng Viva Records at sa may-ari nito si Atty. Panelo na kantahin iyon, bilang pag-aalaala sa namatay niyang anak.
Aba, kung ganyang ‘kasakim’ ang misis mo, Mang Kiko, aba kung manalo ka, kawawa ang bansa na may bise presidenteng ang asawa ay “maramot.”
Kaya ang inyong lingkod, si ‘Vice President Willie Ong’ na lang ang kakampihan ko, kasi, mapagkawanggawa na, libre pa kung magserbisyo sa pagbibigay ng medical tips sa publiko.
At Negatron, ‘we’ – the Filipino people – ang tunay na may-ari ng mga kanta mo, kasi kung hindi tinangkilik ang mga songs mo, wala ka at matagal ka nang laos.
o0o
Speaking of Doc Ong, may request siya kay Presidente Rodrigo Duterte na kung puwede, magtayo ng isang Task Force para paghandaan – kung sakali nga na magpasabog ng nuclear bomb si Russian Pres. Vladimir Putin.
Delikado iyon kasi nakamamatay ang radioactive na siguradong aabot sa atin, if ever – na sana nga ay hindi mangyari at mahimasmasan si Putin at Ukraine Pres. Volodymyr Zelensky na ayusin na ang kanilang away.
Handa raw niyang kalimutan muna ang eleksiyon, at nag-volunteer si Doc Ong na pamunuan ang IATF radio active emergency response, kung mangyari ang kinatatakuyang bomba nuclear.
Sana raw ay makinig si Pres. Digong at bumili ng potassium iodide para may maigamot sa mga mabibiktima ng radio active.
‘Yan ang vice president na gusto ko, maagap, masipag, masakripisyo sa sarili at mapagmalasakit, makalinga at maka-Diyos.
Ganyan naman ang mga taga Aksyon Demokratiko, laging ‘God First” at buhay at kabuhayan ng Tao ang most important sa lahat.
Well, next time, ang kakantahin namin ay “Sana Wala Nang Lakas” si Kiko at Madam Lu, ay sori, joke lang, hehehe.
o0o
O mga igan, kaliwa’t kanan na, mula Camarines Sur hanggang Camarines Norte, sunod-sunod ng nagpahayag ang mga lokal na opisyal sa Bicol region ng suporta para sa LUNAS Partylist para sa darating na halalan.
Opo, dear readers, tagumpay ang pagbisita ni LUNAS Partylist first nominee nito na si Brian Raymund Yamsuan sa dalawang malalaking probinsiya ng Bicol kamakailan. Mismong si Camarines Sur 2nd District Congressman at dating Deputy Speaker LRay Villafuerte at Camarines Sur Governor Migz Villafuerte ang nanguna sa pagsasabing LUNAS ang pambato na partylist ng Bicol sa Mayo 9.
Kabilang sa mga nagpahayag ng suporta sa LUNAS Partylist sa Camarines Norte ay ang mga tumatakbo para sa pagka-Mayor na sina Vice Mayor Diday Abaño ng bayan ng Jose Panganiban; Engr. Boyet Valeros ng Vinzons; Vice Mayor Juancho Ramores ng Talisay; Vice Mayor Jimmy Hernandez ng San Vicente; Board Member Godfrey Parale ng Daet; Herny Zabala ng Basud; at Board Member Allan Quibral ng San Lorenzo Ruiz.
Suportado rin ng tumatakbong Councilor Lydia Racelis ng Vinzons; Board Member Noel Pardo; Councilor Lougene de Quilla ng Daet; Councilor Bernie Patiag at Alex Delos Angeles ng Talisay ang LUNAS Partylist.
Ayon sa kanila, mas magiging epektibong ang pagtulong nila sa pangangampanya para sa LUNAS dahil silang mga lokal na opisyal ang humaharap araw-araw sa mga taga-Camarines Norte sa kani-kanilang mga munisipalidad.
Ayon naman kay Cong. LRay Villafuerte, napapanahon at dapat suportahan ang layunin ng LUNAS na bigyang proteksyon at mga benepisyo ang mga freelancers at ‘no-work, no-pay’ workers na siya rin niyang tinutulak sa Kongreso.
Ang LUNAS Partylist ay Numero 58 sa balota sa halalan sa Mayo.
o0o
Wow! P8-billion pala ang badyet para sa gaganapin na barangay elections sa Dec 5 this year, na pabor kami sa gusto ni Yorme Isko Moreno na i-postpone muna ito, sa Dec 2025.
Kasi nga, nasa krisis pa tayo, at sa Mayo katatapos lang ng eleksiyon, ang daming problema at perang kailangan ng tao.
Tama si Yorme Isko, gamitin na pang-ayuda ang P8-B na iyon para isuporta sa mga nawalan ng trabaho, sa mga maysakit, sa paglikha ng trabaho.
Paano kung lumala ang giyerang Russia at Ukraine, e ngayon pa lang, napakataas na ng presyo ng langis, ng koryente at abot-langit ang presyo ng bilihin, lalo na ang pagkain.
Kulang tayo sa ayuda sa magsasaka, sa mga food producers natin, kaya kung siya ang presidente – sana nga ay si Yorme Isko ang manalo — ‘yung P8-bilyon ay ipantutulong niya laban sa gutom at pandemya.
Food security ang kailangan ng bansa, at ito ang tutukan ni Yorme Isko kung siya ang manalo, kasi nga, pag gutom ang sikmura, aba, malaking problema ito. Sabi nga, walang batas-batas sa taong humahapdi ang sikmura!
o0o
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa [email protected]