KATATAPOS lang ng ‘Taiwan that you love” sa iWantTV, at ang focus ng love story ng isang character ay ang walang kamatayang iskrambol na paboritong abangan ng mga bata sa kalsada liban sa dirty ice cream.
Kasi naman, ito ang murang bersyon ng halo-halo na paborito ng mga Pinoy. Ang pagkakaiba lang, standard ang kulay nitong pink, at sa halagang limang piso, makabibili ka na – di tulad sa halo-halo na P50 na ang isang baso.
Napakaganda rin nitong negosyo dahil yelo, skimmed milk, condensed milk at food coloring lang ang puhunan.
Murang mura lang! Sampung pisong crushed ice, limang pisong red food coloring ¼ kilo ng skimmed milk at isang lata ng condensed milk, makagagawa ka na ng 10-15 malalaking baso ng iskrambol na P15 bawat isa. Kung maliliit naman, abot ng 30 baso. Kung kukwentahin natin, abot sa P150 ang mapagbebentahan na ang puhunan ay hindi pa aabot sa P75. Tubong lugaw, di po ba?
Sa paraan ng paggawa, kayurin ang yelo ng pino, tulad ng sa halo-halo. Ilagay ang kalahating lata ng condensed milk at haluing mabuti. Ihalo rin ang food coloring pero konti lang para makuha ang pink color na trademark ng iskrambol. Pwede nga palang lagyan ng vanilla extract o banana essence para mas mabango. Pag ise-serve na, ilagay sa baso ay lagyan ng skimmed milk sa ibabaw.
Para mas masarap, kung pampamilya po at hindi pang-negosyo, nilalagyan namin ng sago at liquid chocolate. Minsan, nilalagyan din namin ng candy sprinkles para mas maganda. NV