ISLAMIC BANKS SA PINAS, APRUB NA SA KAMARA

ISLAMIC BANK

PASADO na sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill 8281 o ang ‘An Act Providing for the Regulation and Organization of Islamic Banks’.

Sa botong 221 Yes at 0 No ay nakalusot na sa plenaryo ang panukala na layong magtatag ng regulatory framework at iorganisa ang Islamic Banks sa Filipinas.

Layunin ng panukala na makahikayat pa ng maraming investments at mapalakas ang Islamic Banks pagdating sa banking sector.

Binibigyang mandato sa ilalim ng panukala ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na pangasiwaan, bigyang lisensiya at i-regulate ang operasyon ng Islamic Banks.

Ayon kay Anak Min­danao Rep. Amihilda Sangcopan, ang Islamic bank ay maituturing na negosyo kung saan ang mga layunin at operasyon ay walang ipinapataw na interest o riba, alinsunod na rin sa Shari’ah principles.

Sa ilalim ng panukala, pinapayagan ang mga Islamic bank na magsagawa ng banking services tulad ng pagtanggap at paglikha ng current, savings at investment accounts, pagtanggap ng foreign currency deposits at umaktong correspondent banks at ins­titutions.  CONDE BATAC