IPINADAMA ni Vietnam Southeast Asian Games gold medalist Chloe Isleta ang kahandaan para sandigan ang bansa matapos humakot ng kabuuang limang gintong medalya sa tatlong araw na kompetisyon sa Philippine Aquatics Inc., (PAI) National Trials 25-meter short course nitong Huwebes sa Teofilo Yldefonso Swimming Pool sa Malate, Maynila.
Nanguna ang University of Arizona alumnus at miyembro ng professional team nito sa US Series, sa girls’ 50 back at 200 free sa tiyempong 27.83 at 2:04.17, ayon sa pagkakasunod, sa event na suportado ng Speedo, Pocari Sweat, at Philippine Sports Commission (PSC).
Kasalukuyang kumukuha ng masters sa Communication and Media sa Dela Salle University-Taft at lumalangoy sa ilalim ng sarili niyang Chloe Swim Club na nakabase sa Ilocos Norte, naungusan ni Isleta ang kapwa National mainstay at 2023 Cambodia SEA Games record holder Xiandi Chua sa 50m duel (29.06).
Nakuha ni Tarlac pride at Asian Age Group Championship campaigner Trixie Ortiguerra ang bronze sa 29.25.
Sa 200 free, dinaig ni Isleta ang La Salle bet na si Hannah Sanchez (2:09.10) at ang ipinagmamalaki ng South Cotabato na si Jie Angela Talosig (2:10.38).
Ito ang ikatlong pagkakataon sa loob ng tatlong araw na nagwagi si Isleta sa friendly duel sa Australian-trained na si Chua ng Top Swim Club. Sa opener noong Martes, inangkin niya ang 100 backstroke (1:00.31) laban sa kanyang kaeskuwela sa La Salle (1:01.14). Noong Miyerkoles, tinalo ni Isleta si Chua sa 100 Individual Medley (1:01.64) laban sa 1:03.02. Sa 50 free, nanalo siya laban sa Fil-Am na si Miranda Renner (25.65/25.72)
Ang torneo ay ginamit bilang batayan sa pagpili ng magiging miyembro ng Philippine Team na sasabak sa World Aquatics World Series (maikling kurso) na binubuo ng kompetisyon sa Oktubre 18-20 (Serye 1) sa Shanghai, China; Serye 2 sa Oktubre 24-26 sa Incheon, South Korea; at Series 3 sa Okt. 31 hanggang Nob. 2 sa Singapore. Ang serye ay magtatapos sa Championships sa Disyembre 10-15 sa Budapest, Hungary.
Ang iba pang gold medalists ay sina Miguel Barreto ng Ayala Harpoons sa boys 200-m free (1:49.68); Rian Marco Tirol sa boys 100-m breast (1:00.91); Sophia Annika Margare Isip sa girls 100m breast (1:12.41), Jerard Dominic Jacinto 50 back (24.89); Robin Christophel Domingo sa 200m butterfly (2:02.38) Micaela Jasmine Mojdeh 200m fly ( 2:15.31); Raymund Paloma 800mfree (8:23.94); at Jie Angela Talosig girls 800m free (9:30.09).
CLYDE MARIANO