HINDI na requirement sa mga domestic flights na magreserba ng bahagi ng aircraft na magsisilbing isolation area para sa mga pasaherong maysakit o ‘di kaya ay suspected COVID-19 infected.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, isa lamang ito aa mga napagdesisyunan sa ginanap na pulong ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases.
“The IATF decision is based on the grounds that guidelines were issued based on available information at the time, and that more information is now available on how COVID-19 is transmitted in closed settings,” sabi ni Roque.
Sinabi ni Roque, na nagsisilbi ring spokesman ng IATF, na sa ngayon ay mas marami nang mga improved health protocols mula sa boarding hanggang sa paglapag ng mga eroplano sa pamamagitan ng paggamit ng High Efficiency Particulate Air (HEPA) filters.
“It was also pointed out that domestic flights are of short duration only generally not exceeding 1.5 hours,” wika ni Roque.
Paliwanag pa ng kalihim na ang pag-aalis ng requirement na nabanggit ay wala namang pagsalungat sa mga ipinatutupad na guidelines at protocols ng World Health Organization at International Civil Aviation Organization.
Ang desisyon ng IATF ay base na rin sa rekomendasyon ng Department of Transportation at Civil Aviation Authority of the Philippines at Department of Health.
Inatasan din ng IATF ang lahat ng mga local government unit na luwagan na rin ang mga health entry protocols na ipinapataw sa mga airline crew kaugnay sa mga layover at positioning bunsod ng emergency situations tulad ng bagyo, lindol, pagputok ng bulkan at iba pang diversions at iba pang mga kahalintulad na sitwasyon na hindi inaasahan at madaliang paglilikas.
Pinapayagan na rin ng IATF ang mga crew member na manatili sa mga establisimiyento sa ilalim ng “bubble” concept na pinangangasiwaan ng mga LGUs.
“For this purpose, the DILG (Department of Interior and Local Government) is instructed to coordinate with all LGUs to align their health entry protocols for this limited purpose. The CAAP is likewise instructed to supervise and police the implementation of these activities,” ang sabi pa sa IATF Resolution No. 84.
Base sa rekomendasyon ng DOTr at CAAP , ay inaawtorisa ng IATF ang Subic Bay Metropolitan Authority na mag set- up corporate jet flight maintenance at crew layover hub sa Subic Special Economic and Freeport Zone sa ilalim ng mahigpit na “bubble” concept na walang kinikilingan kung mayroong kaukulang visa o work permit requirements na itinatakda ng mga umiiral na batas. EVELYN QUIROZ
Comments are closed.