HINIMOK ni Senador Win Gatchalian ang Local Government Units (LGUs) na magpatayo ng mga pansamantalang mga pagamutan at isolation facilities sa kanilang nasasakupan dulot na rin ng patuloy na pagtaas ng mga kaso ng coronavirus disease (COVID-19) sa bansa.
Layon nito na ibukod at matulungang gumaling ang mga pasyenteng may mild symptoms at mapigilan ang lalong pagkalat ng naturang sakit.
Iminungkahi ni Gatchalian, itayo ang mga pasilidad sa mga maluluwag, malilinis, at maaliwalas na espasyo tulad ng mga gymnasium para sa mga pasyenteng nagpapagaling mula sa sakit.
Gayundin, puwede ring gamitin ang mga paaralan, mga dormitoryo, at mga hotel bilang mga isolation areas sa mga persons under investigation (PUIs).
Tinukoy ng senador na hindi sapat ang kasalukuyang kapasidad ng mga ospital sa bansa upang tugunan ang pag-akyat ng mga kaso ng coronavirus.
Aniya, sa Quezon City ay may tatlong pasyenteng nagpositibo sa COVID-19 pero pinauwi ng ospital dahil wala nang sapat na espasyo.
Inihalimbawa ni Gatchalian ang Wuhan, China na tinaguriang epicenter ng pandemic sa coronavirus na kung saan ay nagpatayo ng 16 na pansamantalang mga ospital na nakapagpagamot ng halos 13,000 pasyente.
At ipinasara na ang mga naturang ospital matapos bumaba ang mga kaso ng COVID-19 sa lungsod at sa buong China.
Sa South Korea naman, ipagamit ang mga kama ng ospital sa mga may malubhang sakit habang ang mga may mild symptoms ay nanatili sa mga dormitoryo.
Ayon kay Gatchalian, magandang halimbawa ito sa pagbibigay prayoridad sa mga pasyenteng may malalang sintomas ng coronavirus.
“Kailangang manguna ang ating mga lokal na pamahalaan sa mga hakbang na tulad nito. Kung titingnan natin ang halimbawa ng ibang bansa, makikita natin na posible pala ang paglalagay ng mga pansamantalang pagamutan upang matulungan nating gumaling ang mas marami pang positibo ng COVID-19,” paliwanag ni Gatchalian.
Ibinahagi rin nito ang pagkakaroon ng centralized isolation facilities ng Valenzeula na matatagpuan sa Balai Banyuhay at Valenzuela Astrodome, kung saan naglagay ng mga modular tents at higaan para sa mga pasyente. Ang Balai Banyuhay ay isang pasilidad para sa drug rehabilitation na may 100 kama.
Dahil dito, nanawagan si Gatchalian sa Department of Interior and Local Government (DILG) na siguruhing ang bawat ba-rangay ay may Barangay Isolation Units (BIUs) at Barangay Health Emergency Response Teams (BHER). VICKY CERVALES
Comments are closed.