BAHAGYANG lumuwag na ang espasyo ng isolation facilities sa Camp Crame, ayon kay Philippine National Police (PNP) Deputy Chief for Administration at Administrative Support to Covid 19 Operations Task Force (ASCOTF) Commander PLt. Gen. Joselito Vera Cruz.
Ito ay nang pauwiin na ang 550 pulis na gumaling sa COVID-19 kahapon, batay sa record ng PNP-Health Service.
Magugunitang umabot sa 102 percent noong nakaraang linggo ang occupancy rate ng quarantine facilities sa nasabing kampo dahil sa dami ng mga bagong kaso ng COVID-19 sa PNP.
Sinabi ni Vera Cruz, malaking tulong sa pagluwag ng kanilang mga pasilidad ang inilabas na guidelines ng DOH hinggil sa pagpapaikli ng isolation period para sa mga fully vaccinated individual na infected ng COVID-19 virus at mga asymptomatic.
Nakatulong din aniya ang halos 100 percent vaccination rate ng PNP na dahilan ng mabilis na pagrekober sa sakit ang kanilang mga tauhan na nagpositibo na karamihan ay mild symptoms lang ang naranasan o walang sintomas.
Kahapon naman ay naiulat ang 331 pulis na nadagdag sa bagong kaso. EUNICE CELARIO