ILANG buwan na lamang ay matatapos na ang anim na taong termino ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Karamihan sa mga naging pangako niya ay natupad ng kanyang administrasyon.
Ang napaka-ambisyosong infrastructure program daw ng Duterte government na “Build, Build, Build (BBB)” Project ay umuusad sa kabila ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Walang ibang layunin daw ang tinaguriang “Dutertenomics” kundi ang mapalaya ang Pilipinas sa katawagang “The Sick Man of Asia.”
Kung hindi ako nagkakamali, gumugugol ang gobyerno ng P9 trilyon ($180 bilyon) para sa 75 flagship projects sa loob ng isang dekada.
Ibig sabihin, matatapos man ang termino ng Pangulo, aba’y naka-angkla sa susunod na gobyerno ang BBB. Tuloy-tuloy ito.
Marami na ring natatapos na mga proyekto. Nakatuon ang BBB sa paggawa ng mga paliparan, railways, bus rapid transits, ilang lansangan at tulay, apat na seaports, apat na energy facilities, water resource projects at marami pang iba.
Subalit natuklasan na may nakatengga raw palang economic zone projects na nagkakahalaga ng P60 bilyon sa kabila ng isang administrative order (AO) na may kinalaman dito.
Inaprubahan daw kasi ng Philippine Economic Zone Authority (Peza) ang P60.68-billion ecozone projects pero wala pa raw itong proklamasyon mula sa Office of the President (OP).
Sinasabing mayorya ng mga investment dito ay nasa 32 manufacturing projects na nagkakahalaga ng P41.78 bilyon, sinundan ng 12 information technology (IT) centers na mayroong P7.81-billion proposals.
Ang iba pang pending investments ay kinabibilangan ng dalawang agro-industrial projects na nagkakahalaga ng P50.1 milyon; apat na IT parks, P10.23 bilyon; at isang inquiry para sa tourism-related venture, P802.44 milyon.
Batay kasi sa AO 18, bawal magkaroon ng bagong ecozone developments sa Metro Manila para naman umangat ang iba pang mga rehiyon sa bansa.
Ayon sa Peza, isasagad na raw nila ang kanilang ecozone development program.
Para raw maisakatuparan ang mga programa, aba’y isinusulong din nila ang pagtatayo ng regional offices sa susunod na taon.
Well, mas maganda siguro kung tutukan ng administrasyong Duterte ang pagpoproseso ng mga bagong economic zone.
Kung titingnan ang mga nakaraang competitiveness report, aba’y nasa tuktok ang Pilipinas sa usapin ng infrastructure. Pero dahil sa BBB, mukhang aangat na ang ranggo natin.
Natatandaan ko pa na isinisisi ng Japan International Cooperation Agency (JICA) sa kawalan ng maayos na impraestruktura ang malubhang problema sa trapiko sa Kalakhang Maynila.
Noong 2018, kung hindi ako nagkakamali, itinala ng JICA na nasa P2.4 bilyon ang halagang nasasayang araw-araw dahil sa buhol-buhol na trapiko.
Pinangangambahan nga na matitriple ito sa 2030, kung hindi masosolusyunan ang problema.
Sabagay, sabi ko nga, umuusad naman ang BBB program ng pamahalaan at marami ang umaasang magtatagumpay ito.
Kapag nagkataon kasi, tiyak na bababa ang presyo ng mga pangunahing bilihin, tataas ang kita ng mga manggagawa, at pamumuhunan sa mga kanayunan.
Maliban dito, siyento-por-siyentong bibilis ang transportasyon ng mga tao at mga produkto, at magkakaroon ng maraming trabaho sa iba’t ibang panig ng bansa.
Walang ibang pinagkukunan ng pondo ang gobyerno sa mga dambuhalang infrastructure projects kundi ang pangungutang sa ibayong dagat, gayundin ang buwis tulad ng sin tax, TRAIN law, at iba pa.
Kapag umangat ang bansa at umahon ang ating ekonomiya, marahil tayo’y mapapalaya sa katawagang “The Sick Man of Asia”
Sa pamamagitan ng pagsasakripisyo ng lahat, kabilang ang iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan, mula sa mga pinuno hanggang sa pinakamaliit na mamamayan, at sa biyaya at habag ng Maykapal, aba’y tiyak na hindi lamang ang mga infrastructure ang itatayo, kundi higit sa lahat, ang ating dangal bilang isang malayang bansa sa Asya na igagalang ng buong daigdig.
935914 753236Excellently written post, doubts all bloggers offered the same content because you, the internet is really a greater location. Please maintain it up! 729159
936879 662972I like this blog quite much so significantly great info . 369343