(Isusulong sa Kamara) MONDAY COMMUTE SA GOV’T EXECS

Commute

MAKATUTULONG sa pagbabawas ng dami ng mga pribadong sasakyan sa mga kalsada ang pag-aatas sa highranking public officials na mag-commute isang beses isang linggo, ayon sa isang kongresista.

Sinabi ni Iligan City Rep. Frederick Siao na mag­hahain siya ng isang bill na mag-aatas sa elected officials, cabinet members at division chiefs na sumakay ng tricycles, jeepneys, buses at trains tuwing Lunes.

“When taking public transport, public officials will be reminded weekly of the suffering the masses endure on a consistent basis,” wika ni Siao.

Noong Biyernes ay nag-commute si presidential spokesman at chief legal counsel Salvador Pa­nelo ng mahigit tatlong oras papasok sa Palasyo bilang pagtanggap sa hamon ng makakaliwang grupo na patunayan niya na walang ‘transport crisis’ sa bansa.

Mahigpit na ipinatupad ng traffic authorities noong mga nakalipas na buwan ang mga umiiral at bagong regulasyon sa kahabaan ng EDSA, kabilang ang paglimita sa mga bus sa rightmost lanes at pagbabawal sa provincial buses na magbaba at magsakay ng mga pasahero sa mga lugar na labas sa kanilang terminals, sa layuning maibsan ang matinding trapik sa Metro Manila.

Sa pag-aaral ng Japan International Cooperation Agency, nasa P3.5 billion ang nawawala araw-araw sa ekonomiya ng bansa dahil sa mabigat na daloy ng trapiko.

Pinalala pa ito ng pagkasira ng mga train, ang pinakahuli ay ang LRT-2, mula sa Pasig City hanggang Manila. Limitado ang operasyon nito magmula nang sumiklab ang sunog nitong unang linggo ng ­Oktubre. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM

Comments are closed.