(Isusulong sa Senado) VOUCHER SYSTEM PALAWAKIN SA K-6

PRIVATE SCHOOL

NAKATAKDANG maghain si Senador Win Gatchalian ng panukalang batas na naglalayong palawakin ang tulong pinansiyal ng pamahalaan sa mga mag-aaral na nasa pribadong paaralan at isama ang mga Kindergarten hanggang Grade 6.

Sa kasalukuyan ay senior high school lang ang nabibigyan ng tulong pinansiyal ng gobyerno sa pamamagitan ng Government Assistance to Students and Teachers in Private Education (GASTPE) sa ilalim ng Republic Act No. 6728 (Government Assistance to Students and Teachers in Private Education Act) na inamyendahan na ng Republic Act No. 8545 (Expanded Government Assistance to Students and Teachers in Private Education Act).

“Kailangang humanap tayo ng mga bagong paraan upang tugunan ang mga pangangailangan natin para sa mga silid-aralan, mga guro, at mga aklat para sa ating mga mag-aaral. Isa sa palalawakin natin ang voucher program sa basic education system,” ani Gatchalian.

Ang Senior High School-Voucher Program (SHS-VP) ay isang anyo ng tulong pinansiyal para sa mga kwalipikadong mag-aaral mula sa non-DepEd schools at mga pribadong paaralan. Sa ilalim ng programa, nakatatanggap ang mga mag-aaral ng ayuda sa pamamagitan ng mga voucher.

Nariyan din ang Educational Service Contracting (ESC) para sa mga mag-aaral naman ng junior high school. Sa pamamagitan ng ESC, mabibigyan na ng mas maraming slots ang mga estudyante para makapasok sa certified private junior high schools. Sa madaling salita, makatatanggap ang mga benepisyaryo ng ayudang tinatawag na ESC grants.

Panukala ni Gatchalian, voucher system na lamang ang gamitin sa paghahatid ng tulong pinansiyal sa mga mag-aaral, lalo na’t mas simple ang prosesong ito. Dagdag pa ng senador, dapat tiyaking may kalidad ang mga pribadong paaralang lalahok sa programa.

“Dapat mayroon ding aspeto ng kalidad sa mga pribadong paaralan upang mabigyan din sila ng incentive kung iaangat nila ang kalidad ng kanilang pagtuturo,” ayon sa senador.

Ayon kay Gatchalian, makatutulong ang mas malawak na voucher system upang maiwasan ang patuloy na pagsikip sa mga pampublikong paaralan. At upang maging mas epektibo ang paggamit ng pondo para rito, sinabi ni Gatchalian na kailangang targetin ang mga lugar kung saan maraming public schools.

Paliwanag pa niya, makatutulong ang panukalang programa na makabangon ang mga pribadong paaralan mula sa pinsalang dulot ng pandemya ng COVID-19. Para sa School Year 2020-2021, may 3.2 milyong mag-aaral sa mga pribadong paaralan, katumbas lamang ng 14% ng kabuuanng enrollment sa basic education.

-VICKY CERVALES