(Isusulong sa Senado)DAGDAG-BUWIS SA MAYAYAMAN

Sherwin Gatchalian

PLANO ni Senador Sherwin Gatchalian na dagdagan ng buwis ang mayayaman para makalikom ng karagdagang kita para sa pamahalaan.

Sa panayam sa Dobol B TV, sinabi ni Gatchalian na nagtataka siya kung bakit hindi kasama sa top taxpayers ang mga bilyonaryo sa bansa.

“Makikita natin may lumalabas na billionaires list… Wala dun sa mga pangalang iyon ang top taxpayers natin,” sabi ni Gatchalian, na nakatakdang pamunuan ang Senate committee on ways and means sa 19th Congress.

Ayon kay Gatchalian, karamihan sa top taxpayers ng bansa ay TV at movie personalities at wala roon ang mga nasa listahan ng mga bilyonaryo.

Aniya, plano niyang maghain ng panukala na magpapataw ng karagdagang buwis sa mayayaman at umaasa siyang susuportahan ito ng mga kapwa niya mambabatas.

“Meron talagang dapat ayusin sa sistema natin para ‘yung mga may kaya o ‘yung mayayaman ay mas mataasan naman ang kanilang bayaran,” anang senador.