MALAKAS ang hinala ni Atty. Ferdinand Topacio, ang head ng legal counsel ni Pastor Apollo Quiboloy (PAQ) na puntirya ng Estados Unidos si Pangulong Rodrigo Duterte at ginamit lang ang kaso ng pastor.
Dagdag ni Topacio na ang paglalagay ng Federal Bureau of Investigation kay PAQ bilang isa sa most wanted ay upang dungisan lang ang pamamahala ni PRRD dahil sa tagal ng kaso ay kung kailan malapit nang bumaba bilang lider ito ng bansa saka naman uminit ang kasong sexual abuse at human trafficking ni PAQ.
“The timing of the release of the poster is highly suspect. Indict was made on November 10, 2021. Common sense dapat put up poster kung person is hiding. Bakit hinintay ngayon kung kelan inilabas?” bahagi ng pahayag ni Topacio.
Kinuwestiyon din ni Topacio na noong hindi pa pangulo si Duterte ay hindi kinasuhan si PAQ subalit ngayong pangulo na ay nakaladkad na ang kanyang kliyente.
“Bakit po noong hindi pa pangulo si Pangulong Duterte, it was only in 2016 kung ano-anong trump up charges ang inihahain kay Pastor Quiboloy. Bakit kung kailan nakaupo si PRRD?” pagtataka pa ni Topacio.
Bukod sa Duterte admin, duda rin si Topacio na maaaring target din aniya ng pagkaladkad ng US kay PAQ ang napipintong halalan sa May 2022.
Sa himig ng salita ng abogado ni PAQ, isang bala, tatlong tama ang ginagawa ng FBI.
Una aniya ay posibleng sirain ang reputasyon ng Duterte administrasyon sa pamamagitan ng pagwasak na maimpluwensiyang kaalyado nito, pangalawa ay pagwasak mismo sa kredibilidad ni PRRD at ni PAQ at pangatlo ay posibleng ang integridad ng halalan na ang resulta ay makaaapekto naman kay presidential aspirant Bongbong Marcos na ka-tandem ng presidential daughter Sara Duterte Carpio.
“Indirectly undermining candidacy of Sara Duterte…indirectly undermining candidacy of Bongbong Marcos…. Intervening ..hindi ko alam ang game plan ng Amerika,” bahagi ng pahayag ni Topacio.
Kamakailan ay bumulaga ang balitang isa sa most wanted si PAQ makaraan ang umano’y sexual abuse sa dalawang kapanalig nito at human trafficking. EVELYN QUIROZ