UMAASA si Bro. Rodolfo ‘Rudy’ Diamante na hindi magagamit na argumento ng pagbuhay sa parusang kamatayan sa bansa, ang kontrobersiyal na isyu hinggil sa nakaambang paglaya ng convicted rapist at murderer na si dating Calauan Mayor Antonio Sanchez, gayundin ng mga druglord na tumestigo laban kay Senadora Leila de Lima.
Ayon kay Diamante, executive secretary ng Episcopal Commission on Prison and Pastoral Care (ECPPC) ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), hindi dapat magpalinlang ang mga mamamayan sa ginagawang pamumulitika upang maisulong ang muling pagsasabatas ng death penalty sa Filipinas.
“Sana po huwag naman itong maging argumento kasi parang ganoon ang ginagawa, ‘ayan kung may bitay, bitay na ‘yan si Sanchez, hindi na poproblemahin,” ani Diamante, sa panayam ng church-run Radio Veritas.
“…kaya nga sinasabi namin pinupolitika ‘yan ngayon na mainit yung pagsusulong ng parusang bitay baka gawin pa nilang argumento ‘yan,” dagdag pa nito.
Nanindigan din naman si Diamante na hindi dapat maabuso ang Republic Act 10592 o ang Conditional Expanded Good Conduct Time Allowance (CEGCTA) para mapalaya ang mga bilanggo na nakapagpakita ng good behavior sa loob ng bilangguan.
Aminado si Diamante na ang lahat ng tao ay karapat-dapat na magkaroon ng pangalawang pagkakataon upang makapagbagong buhay, ngunit iginiit na hindi naman ito naipakita at naipamalas ni Sanchez matapos mahulihan ng P1.5-milyong halaga ng shabu sa loob ng kanyang selda na inilagay pa sa loob ng imahe ng Birheng Maria.
Ipinagtataka rin ni Diamante na hindi kinasuhan si Sanchez sa naturang nasamsam na shabu.
“Sana palawakin pa ‘yung pagbibigay ng tamang impormasyon tungkol du’n sa puso nu’ng batas, everybody naman believes that a person should be given a second chance pero dapat ‘yung second chance na ito ay naipapakita din niya ‘yung kanyang kabutihan sa loob and in the case of Mayor Sanchez nakitaan ito ng paglabag hindi lamang doon sa rules ng BuCor but pati sa batas ng makuhanan ng shabu. Hindi ko lang alam kung bakit hindi nakasuhan,” aniya.
Nabatid na bukod kay Sanchez, sinasabing kabilang din sa may 11,000 bilanggo na posibleng mapalaya sa pamamagitan ng CEGCTA ay ang mga drug lord na tumestigo laban kay Senador de Lima.
Nauna rito, pumutok ang isyu na posibleng makinabang si Sanchez sa naturang batas ngunit kalaunan ay binawi din dahil sa umani ito ng kaliwa’t kanang pagkondena at pagtutol mula sa iba’t ibang indibiduwal at mga sektor, pangunahin na ang mga pamilya ng mga biktima ni Sanchez na sina Eileen Sarmenta at Allan Gomez, kapwa estudyante ng University of the Philippines-Los Baños (UPLB), Laguna.
Si Sanchez ay pinatawan noong 1995 ng pitong habambuhay na pagkabilanggo, kasama ang anim niyang tauhan dahil sa naturang kaso. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.