ISYU NG CLIMATE CHANGE DAPAT TUGUNAN SA LALONG MADALING PANAHON

KUNG papansinin, pabago-bago ang klima sa bansa. Ngayong Disyembre, kahit dapat ay malamig na ang simoy ng hangin gaya ng sabi sa kanta, tila hindi natin ito nararamdaman maliban na lamang sa gabi.

May mga insidente ring nangyayari kung saan maaraw sa umaga at biglang babagsak ang ulan sa hapon o sa gabi. Ang mga ito ay sanhi ng tinatawag na climate change.

Ang madalas na pagdaan ng bagyo sa bansa ay hindi na bago sa ating mga Pilipino. Sa katunayan, karaniwang umaabot hanggang 20 ang bilang ng bagyong pumapasok sa Pilipinas kada taon. Bagaman sanay na tayong humarap sa naturang kalamidad, ayon sa mga eksperto, dahil dito ay madali rin tayong naaapektuhan ng climate change.

Upang matugunan ang isyung ito sa Pilipinas, hinihikayat ng Asian Development Bank (ADB) ang pamahalaan na paglaanan ng pondo ang pagtugon dito lalo na’t isa ang Pilipinas sa may pinakamataas na target patungkol sa pagpapababa ng greenhouse gas emission. Ipinangako ng pamahalaan na pabababain nito ng 75% ang emission ng bansa sa pagtatapos ng dekada. Ayon sa ADB, magiging posible lamang ito kung paglalaanan ng pamahalaan ng mas mataas na pondo dahil sa ngayon, nasa 2.7% lamang ng ipinangakong pagbaba ang kakayanin ng kasalukuyang pondo nito.

Binigyang-diin ng ADB ang kahalagahan ng paghimok sa mga bangko na suportahan ang mga inisyatibang pangkalikasan. Bagaman mayroon nang mga polisiyang ipinatutupad ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) at iba pang mga regulator upang isama ang mga isyung patungkol sa environmental, social, at governance (ESG) sa operasyon nito, kailangan pa rin ng mga bangko ng mas mataas na kapasidad upang magampanan ang isyung ito.

Hindi lamang pondo ang kailangang ihanda sa pagtugon sa climate change. Kailangan din ng mga batas at polisiyang susuporta sa pagkilos na ito. Kailangan din ng mga programa at inisyatiba mula sa lokal na pamahalaan na magbibigay ng sapat na kaalaman at kamalayan sa mga ito upang makagawa ng epektibong istratehiya sa paglaban sa climate change.

Batid din ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. (PBBM) ang kahalagahan ng pagtugon sa climate change. Sa ginanap na 77th session ng United Nations General Assembly, binigyang-diin ni PBBM ang kahalagahang matugunan ang isyung ito. Aniya, ito ang isa sa mga pangunahing suliranin na dapat tugunan ng bawat bansa dahil lubos itong nakaaaapekto sa mga mamamayan at sa ekonomiya. Ang patuloy na pagbabalewala rito ay magreresulta sa paghihirap ng mga maliliit na bansa gaya ng Pilipinas. Sa katunayan, ayon sa datos ng Climate Change Commission, nasa P506 bilyon na ang nawala sa ekonomiya ng bansa nitong nakaraang dekada dahil sa mga kalamidad.

Bagaman maliit lamang ang kontribusyon ng Pilipinas sa kabuuang greenhouse emission, isa ang ating bansa sa mga lubhang nakararamdam ng epekto nito. Mas malaki ang carbon na kayang higupin ng ating bansa kumpara sa inilalabas nito. Sa kabila nito, pumapang-apat pa rin ang bansa sa pinakalubhang naaapektuhan ng climate change. Kaugnay nito, hinimok ni PBBM ang kanyang mga kapwa lider, partikular ang mga bansang mataas ang carbon emission na kumilos at tugunan ang suliraning ito. Hinamon niya ang mga ito na pangunahan ang laban kontra climate change.

Ang laban kontra climate change ay hindi lamang nakasalalay sa pamahalaan. Ang Meralco, bilang pinakamalaking distribyutor ng kuryente sa bansa, ay kaisa ng pamahalaan sa pagpapababa ng carbon emission ng Pilipinas. Sa ilalim ng Powering the Good Life, ang Sustainability program ng Meralco, naglulunsad ang kompanya ng iba’t ibang inisyatibang hindi lamang makakapagpababa ng carbon emission kundi nagbibigay din ng pagkakataong maiangat ang buhay lalo na ang mga kababayan nating naninirahan sa mga liblib na lugar.

Kaugnay ng mandato ng kompanya na maghatid ng sapat at maaasahang serbisyo ng koryente, tinatrabaho nito ang paggamit ng renewable energy (RE) sa paghahatid ng serbisyo sa 7.6 milyong customer nito. Sa katunayan, bilang suporta sa Renewable Portfolio Standards ng Department of Energy (DOE), ipinangako ng Meralco na kukuha ito ng 1500 Megawatts (MW) na kapasidad ng RE. Bukod dito, gagawa rin ito ng sariling RE portfolio na may kapasidad na 1500 MW sa pamamagitan ng MGen, ang power generation arm ng kompanya.

Kabilang din sa programa ng Meralco ang pagsusulong sa paggamit ng mga electric vehicle (EV). Kaugnay nito, inilunsad ng kompanya ang Green Mobility Program na naglalayong palitan ng EV ang mga sasakyang ginagamit nito sa operasyon. Target ng kompanya na gawing EV ang 25% ng mga sasakyan nito sa pagtatapos ng dekada.

Bukod sa paggamit ng RE, naglunsad din ng mga proyekto ang kompanya na naglalayong alagaan ang kapaligiran gaya ng One For Trees na pinangungunahan ng One Meralco Foundation, ang social development arm ng kompanya. Sa ilalim ng naturang inisyatiba, layunin ng Meralco na makapagtanim at makapag-alaga ng limang milyong puno hanggang taong 2025.

Ilan lamang iyan sa mga insiyatiba ng kompanya na makatutulong sa pagpapababa ng carbon emission ng bansa. Ang labang ito kontra climate change ay laban ng buong bansa. Gaya nga ng patuloy na sinasabi ni PBBM, ang pagkakaisa ang susi sa pag-unlad. Ito rin ang susi sa paglutas ng krisis. Nawa’y magpatuloy at lalong mapaigting ang pagtutulungan ng pamahalaan at ng mga miyembro ng pribadong sektor. Sa bahagi naman natin bilang mga mamamayan, nararapat lang din na gawin natin ang ating papel dahil bagama’t maliit ang epekto ng mga aksyon na ito, kung pagsasama-samahin, magiging malaking tulong din ito sa ating laban kontra climate change.