ISYU NG PAGTANGGAL SA FILIPINO AT PANI-TIKAN SA KOLEHIYO HINDI BIBITIWAN

Tanggol Wika

HINDI bibitiwan ng grupong Tanggol Wika ang usapin sa pagtanggal sa Filipino at Panitikan bilang mga core subjects sa kolehiyo.

Ito ay matapos na katigan ng Korte Suprema ang Memorandum Order No. 20 ng Commission on Higher Education (CHED) na nag-aalis sa mga nabanggit na asignatura.

Ayon kay Tanggol Wika Spokesperson Jonathan Geronimo, nakatakda silang maghain ng ikalawang motion for reconsideration para mapigilan ang CHED at Korte Suprema na tuluyang patayin ang wikang Filipino.

Iginiit pa ni Geronimo, bagama’t ipinauubaya ng CHED sa mga kolehiyo at unibersidad ang pagpapatupad ng kautusan, malabo pa ring panatilihin ng mga ito ang nabanggit na asignatura.

“Sinasabi nila may academic freedom ang mga institution pero hindi nila maintindihan na limitado ‘yan sa reyalidad. Sa katunayan bago pa man maging pinal ‘yung desisyon nila, nagtanggal na ‘yung mga maraming unibersidad at kolehiyo ng mga Filipino at Panitikan sa kanilang mga subject. Ano ang punto ko doon? Ang punto ko, dapat alam din ng Korte Suprema ‘yung mahabang colonial na karanasan ng Filipinas. Alam naman natin marami sa mga unibersidad ang default language niya ay Ingles kaya mahalaga pa rin ituro ang Filipino kasi marami pa ring utak colonial na mga Filipino kasama na diyan ang Korte Suprema, CHED at iba pang mga ahensiya ng gobyerno,” pahayag ni Geronimo.

Comments are closed.