(Isyu sa abandoned balikbayan boxes) RERESOLBAHIN NG BOC AT OFW PARTYLIST

NAKIPAGPULONG at nakibahagi ang Bureau of Customs (BOC) sa OFW Party List sa pamamagitan ni Representative Marissa “Del Mar” Magsino upang talakayin ang agarang isyu ng mga naiwanang balikbayan boxes dahil sa mga mapanlinlang na consolidator at deconsolidator.

Sa nasabing pagpupulong, inilahad ng BOC ang kanilang mga hakbang kabilang ang mga legal measures, regulatory reforms at patuloy na pakikipagtulungan upang masigurong matatanggap ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) at kanilang mga pamilya ang balikbayan boxes nang hindi naaantala.

Sa kasalukuyan, matagumpay nang nailabas at naipamahagi ng BOC ang mahigit 11,000 balikbayan boxes sa mga tunay na may-ari simula noong 2022.

Pinoproseso na rin ng ahensya ang donasyon ng mahigit 4,000 naiwanang balikbayan boxes sa Department of Migrant Workers (DMW) na siyang mag-o-oversee sa pamamahagi ng mga ito sa mga OFWs.

Isa sa mga mahalagang pagbabago sa regulatory framework ng ahensya ay ang draft Customs Administrative Order (CAO) na nagbibigay ng malinaw na mga patakaran para sa mga deconsolidator at consolidator na humahawak ng balikbayan boxes.

Ang draft CAO ay naisumite na sa Department of Finance (DOF) at kasalukuyang nire-review at nirirebisa ng Legal Service ng BOC.

Nagsagawa rin ng mga legal na aksyon ang ahensya laban sa mga mapanlinlang na deconsolidator kung saan 11 criminal case ang isinampa sa Department of Justice.

Inihayag ni Rep. Magsino ang kanyang pasasalamat sa mga pagsisikap ng BOC partikular na sa pagtulong sa mga Overseas Filipino Workers (OFW) na matanggap ang kanilang balikbayan boxes.

Binigyang-diin din niya ang isang House Resolution na humihiling ng imbestigasyon sa mga mapanlinlang na gawain at scam na ginagawa ng mga peke at mapagsamantalang freight forwarders sa lokal at internasyunal.

Ang pulong ay dinaluhan nina Assistant Commissioner Vincent Philip Maronilla, Port Operations Service Director Atty. Geniefelle Lagmay at Manila International Container Port District Collector Rizalino Jose Torralba kasama ang iba pang mga opisyal ng BOC.

Binanggit ni Maronilla ang kanilang buong suporta sa imbestigasyon.

“The Bureau of Customs welcomes this investigation and is prepared to participate actively in the process. We deeply appreciate Congresswoman Magsino’s initiative and continued support in addressing the concerns of our OFWs. Given our limited jurisdiction over deconsolidators, we see the need for legislation and a whole-of-government approach to finally resolve the persistent issues surrounding balikbayan boxes.”

RUBEN FUENTES