IT PROVIDER NG LTO NANGANGANIB MASIBAK

PINAG-IISIPAN ng bagong talagang si Land Transportation Office (LTO) Assistant Secretary Teofilo Guadiz III na palitan ang kasalukuyan nilang German IT provider na Dermalog bunsod ng sunod-sunod na kapalpakang kinasasangkutan nito patungkol sa mabagal na pagproseso ng drivers’ license at pagkakasangkol sa kasong kriminal.

Sa isang panayam ng PILIPINO Mirror sa press briefing ng 1st LTO Regional Directors’ Conference sa Quezon City, sinabi ng LTO chief na kanila ng tinitignan ang tuluyang pagpapalit ng naturang foreign IT provider.

Kasunod ito ng mga reklamo na natatanggap ng LTO mula sa mga aplikante ng lisensiya kung saan inaabot ng halos isang linggo ang pagkuha nito mula sa dating dalawang oras lamang.

Bukod pa rito, nakarating kay Guadiz na idinadaan pa ng mga nagrereklamong kliyente ng LTO sa social media ang kanilang pagkadismaya kung kayat naisisisi sa pamunuan ng LTO ang kapalpakan ng kanilang foreign IT provider.

Nakaabot din kay Guadiz ang kasong kinasasangkutan ng mga opisyales ng Dermalog Identifications Systems, GmBH (Dermalog) kaugnay qualified theft na kinakaharap nito nang magsampa ng kaso ang local partner nitong Verzontal Builders, Inc. (Verzontal) sa Quezon City Prosecutor’s Office noong nakaraang taon ng pumasok sila sa Joint Venture Agreement (JVA) kasama ang Holy Family Planning Corp., at Microgenesis Software, Inc., upang makilahok sa bidding para sa P3.19-billion DOTr Road Transportation Infrastructure Project (LTO-Component A) na may kinalaman sa Land Transportation Management System o LTMS.

Dulot nito, nanawagan na rin kahapon ang LTO chief sa iba pang IT provider na gustong pumasok at tumulong sa LTO na lumahok sa bidding ng pagproseso ng lisensiya upang maibsan ang problemang kanilang kinakaharap.

Samantala, nakatakda namang makipagpulong si Guadiz sa mga opisyales ng Dermalog sa susunod na linggo upang malaman kung kaya pang gampanan nito ang kanilang tungkulin bilang IT provider na nagpoproseso ng driver’s license at iba pa.

Bukod sa driver’s license kasama sa tungkulin ng Dermalog ang pag-aasikaso ng motor vehicle registration system na kasamang inirereklamo ng mga may ari ng sasakyan. BENEDICT ABAYGAR, JR.