ITALY PINATAOB ANG ANGOLA

Dumakdak si Simone Fontecchio ng Italy laban kay Dimitri Maconda ng Angola sa kanilang laro sa 2023 FIBA Basketball World Cup kahapon sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan. Kuha ni PETER BALTAZAR.

 

SUMANDAL ang Italy sa malakas na fourth quarter upang maitakas ang 81-67 panalo kontra Angola sa pagsisimula ng aksiyon sa Group A sa 2023 FIBA World Cup kahapon sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan.

Bumawi mula sa mabagal na simula. ang Italians, sa pangunguna ng trio nina Simone Fontecchio, Stefano Tonut at Giampaolo Ricci, ay kumawala sa kalagitnaan ng payoff period upang tapusin ang Angolans

Sa pangunguna nina Gerson Goncalves at Childe Dundao, sinimulan ng Angolans ang FIBA World Cup festivities sa 9-2 bentahe kontra Italians. Subalit matiyagang humabol ang Italy para kunin ang 23-17 kalamangan, sa likod nina Nicolo Melli at Luigi Datome.

Ipinaramdam ni Atlanta Hawks’ Bruno Fernando ang kanyang presensiya sa shaded lane, sa pagsalpak ng dalawang dunks para sa 26-25 kalamangan ng Angola sa second quarter. Subalit umalagwa ang Italians upang kunin ang 43-41 halftime advantage.

Nagawang makadikit ng Angola at nagpumilit sa kalagitnaan ng payoff period.

Gayunman, nagsanib-puwersa sina Fontecchio, Tonut at Ricci upang bigyan ang Italians ng 10 puntos na bentahe. Nakalapit ang Angola sa pitong puntos ngunit ito na lamang ang pinakamaganda nilang nagawa kontra world No. 10 basketball team.

Nanguna si Fontecchio para sa Italians na may 19 points, 5 rebounds, at 2 assists. Nagtala sina Tonut at Ricci ng 18 at 12, ayon sa pagkakasunod.

Nagbuhos si Dundao ng 19 points para sa Angola, na nakakuha rin ng 13 kay Fernando.

Sa Group D, nagbuhos si NBA star Nikola Vucevic ng 27 points at 10 rebounds upang pangunahan ang Montenegro sa 91-71 panalo kontra Mexico sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.