(Itatakda ng DA) P115/KG ‘COLD STORAGE PRICE’ SA RED ONIONS

MAGPAPATUPAD ang Department of Agriculture (DA) ng “cold storage price” o wholesale price na P115 kada kilo para sa pulang sibuyas at P100 kada kilo sa puting sibuyas.

Sa panayam sa Super Radyo dzBB, sinabi ni DA Assistant Secretary Kristine Evangelista na ang cold storage price ay tinalakay sa stakeholders meeting kamakailan upang mapababa ang halaga ng sibuyas sa mga pamilihan sa P140 hanggang P150 kada kilo.

“Kung saan nila kukunin ‘yung kanilang mga sibuyas, ay meron tayong itinakdang presyo… Parang cold storage price po ito kasi ang sabi nga natin, ang mga sibuyas ng ating mga magsasaka ay naibenta na sa mga trader. Ang mga trader na ito ay naglagay sa cold storage facility,” ayon kay Evangelista.

Aniya, pumayag mismo ang mga negosyante na ipaskil ang wholesale price ng sibuyas sa cold storage facilities.

Base sa price monitoring ng DA, ang local red at white onions ay nagkakahalaga ng P160 hanggang P200 kada kilo sa ilang pamilihan sa Metro Manila.

Inihayag din ng ahensiya noong Biyernes na posibleng magtakda ito ng suggested retail price (SRP) para sa sibuyas ngayong Lunes, Mayo 22, at ipatupad ito kinabukasan.