POSIBLENG tumaas ang suggested retail price (SRP) ng pulang sibuyas sa P250 kada kilo simula ngayong araw, Disyembre 30, ayon sa Department of Agriculture (DA).
Sinabi ni DA Assistant Secretary Kristine Evangelista sa CNN Philippines na lumutang ang naturang rekomendasyon makaraang makipagpulong ang ahensiya sa mga stakeholder.
Ang panukala ay mas mataas sa P170 kada kilo na SRP na itinakda ng DA noong Oktubre.
Gayunman, sa kabila ng pagtatakda ng SRP, ang pulang sibuyas ay ibinebenta sa mas mataas na presyo — na sumipa hanggang P720 kada kilo noong Miyerkoles.
“May SRP tayo na sinet, pero ‘yung enforcement, how can you enforce kung manipis ang suplay? We have the supply, pero hindi ganoon karami na we can flood the market just to bring down the prices,” wika ni DA deputy spokesperson Rex Estoperez.
Nauna rito, sinabi ng ahensiya na inaasahan nitong tataas ang suplay ng sibuyas at bababa ang presyo sa peak harvest season mula Marso hanggang Abril.