(Itinago sa botelya ng keratin hair treatment) P107.6K HIGH-GRADE MARIJUANA RESIN NASABAT NG BOC-CLARK, PDEA

ISANG plastic bottle na may label na ‘Keratin Hair Treatment’ na may lamang high-grade marijuana resin na nagkakahalaga ng P107,600 ang nakumpiska ng Bureau of Customs (BOC) – Port of Clark at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) nitong Oktubre 11.

Batay sa isang ulat mula sa PDEA, isang kargamento na idineklarang “T-shirts” ang isinailalim sa X-ray scanning, kung saan nakita ang mga kahina-hinalang imahe.

Ang K-9 sniff test ay nagpakita rin ng presensya ng ilegal na mga sangkap.

Sa pisikal na inspeksyon, natagpuan sa kargamento ang mga jersey shirt, garlic salt at isang plastik na botelya ng Keratin Oil.

Kinumpirma ng field testing ang presensya ng cannabinoids at ang mga sample ay ipinadala sa PDEA para sa pagsusuri sa laboratoryo kung saan natukoy ang sangkap bilang Tetrahydrocannabinol, isang bahagi ng marijuana na kinaklasipika bilang mapanganib na gamot sa ilalim ng Republic Act (R.A.) No. 9165, as amended.

Dahil dito, nag-isyu ng Warrant of Seizure and Detention laban sa nasabing kargamento dahil sa paglabag sa Sections 118(g), 119(d), at 1113, paragraph (f), (i) at (l) (3 at 4) ng R.A. No. 10863 o Customs Modernization and Tariff Act kaugnay din sa R.A. No. 9165.

Ang successful seizure ay dahil sa joint efforts ng BOC-Port of Clark, PDEA, Customs Anti-Illegal Drug Task Force, X-ray Inspection Project, Enforcement and Security Service at Customs Intelligence and Investigation Service.

Binanggit ni Customs Commissioner Bienvenido Y. Rubio ang pangako ng ahensya na pigilan ang drug trafficking na binibigyang-diin ang pinalakas na pagsasanay at teknolohiya na ipinatutupad sa lahat ng BOC ports.

“These advanced resources allow us to effectively address the smuggling attempts of drug syndicates. Our agents also engage in continuous training programs focused on enhancing their skills and expertise while working alongside other enforcement agencies to reinforce our mission of protecting our country from the dangers posed by illegal drugs and organized crime.”

RUBEN FUENTES