NABUKING ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang ikinubling iligal na hinihinalang droga na umanoy nagkakahalaga ng P90 milyon sa dalawang suspek sa Matnog Port, Sorsogon.
Ayon sa PCG, ang nasabat na droga na may katumbas na P90 milyon, ay aabot sa 18 kilo ng shabu.
Sa ulat, nagsasagawa ng routine paneling inspection ang Coast Guard K9 Unit sa Sorsogon sa nasabing daungan at nang mapalapit sa mga suspek, dito na umanoy naamoy ng mga K9 units at nadiskubre ang kontrabando.
Nasa kustodiya na ng Seaport Interdiction Unit ng Philippine Drug Enforcement Agency (SIU PDEA) ang mga naarestong suspek para sa isasagawang imbestigasyon.
Tuloy-tuloy naman ang maigting na pagbabantay ng mga tauhan ng PCG sa ibat-ibang pantalan sa bansa upang mapigilan ang kahalintulad na aktibidad o pagpupuslit ng mga kontrabando.
PAUL ROLDAN