ITINAKAS NA BANGKA SA ILLEGAL FISHING NAREKOBER NA

bangka

MASBATE-NAHAHARAP sa panibagong mga kasong paglabag sa PD 1829 (Obstruction of Apprehension and Prosecution of Criminal Offenders) at Article 293 ng Revised Penal Code o Robbery ang kapitan at 28 tripulante ng nahuling bangka makaraang itakas ito at masakoteng muli ng awtoridad  kamakalawa, Hulyo 14, sa pier ng Masbate City.

Batay sa ulat ni P/Capt.Lawrence Martinez, Acting Provincial Officer ng 502nd Maritime Command sa Masbate, bandang alas-6  ng umaga kamakalawa nang madiskubre ng kanyang mga tauhan na wala na sa pier ng Masbate City ang FV RAV FISHING kaya agad na naglunsad ito ng malawakang operasyon upang marekober ang bangka.

Napag-alaman sa rekord ng Philippine Coast Guard na isang nagpakilalang P/Capt.Segmund Freud Cruz ng PNP Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG) na nakabase sa Cebu City ang hu­mingi ng clearance sa mga kawani nito na makaalis na ang nabanggit na bangka kahit wala pa umanong release order mula sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) bandang alas-4 ng madaling araw kamakalawa.

Nabatid na una nang nalambat ng grupo ni P/Maj. John Murray Cutaran ang naturang purse seine o pangulong na pag-aari ng isang Romeo Villaceran na taga-Cadiz City noong Hulyo 7 habang ilegal na nangi­ngisda sa karagatan na sakop ng isla Manoc-Manoc, Esperanza, Masbate kung saan kinasuhan naman ito noong Hulyo 8 ng paglabag sa Sec. 89 (Unreported Fishing) at 113 (Commercial Fishing Vessel Operators Employing Unlicensed Fisherfolk, Worker or Crew) ng RA 8550 as amended by RA 10654 at pansamantalang nasa kustodiya ng Maritime habang wala pang clearance at order of release mula sa BFAR.           NORMAN LAURIO

Comments are closed.