ITINAKDA NA: BALIK-MANILA CITY HALL SI YORME ISKO

BAKIT natin sinasabi na ngayon pa lang, kung mangyaya­ring magsalpukan sa balota sa Mayo 2025 sina dating Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso at Mayora Dra, Honey Lacuna-Pangan, ayon sa mga political analyst, uuwing luhaan ang unang babaeng alkalde ng siyudad.

Mismong si Dra Honey ay alam ito, nararamdaman niya, nasa huling dulo ng lubid ang pagkapit niya bilang mayora ng Maynila.

Kaya nga, lagi na ang pakiusap niya, ituloy ni Yorme ang unang plano na tumakbong senador, pero paano tatanggihan ni Isko ang sigaw, ang pagnanais ng Manilenyo na bumalik siya sa city hall?

Eto ang sample ng pulso ng Manilenyo sa inilabas na Voter Preference on Manila City Mayor ng OCTA Research nito lamang July 6-10, 2024.

Sa naturang research, hindi bababa sa 86% ng mga botanteng Manilenyo na nagdeklara na si Yorme Isko ang iboboto nila sa Mayo 2025.

Mga respondent sa research na ito ng OCTA ay umabot sa 1,200 residente sa anim na distrito ng Maynila.

Kumusta naman ang nakuha ni Mayora Lacuna, kay saklap naman, 8% lamang ang nakuha niyang voting preference, mukhang kapamilya na lamang ni Doktora ang naniniwalang makauulit siya ng ikalawang termino, hehehe.

Napakalungkot naman, pero sino ang dapat na sisihin sa napakababang tiwala sa kanyang liderato sa lungsod, e kasi, sa mahigit na dalawang taon, walang kongkretong accomplishment si Mayo­ra sa Maynila.

Kung mayroon man, parang takot sila na ilista ito at ibahagi sa Manila voters!

Sa survey, isinali si Ate Imee Marcos na noon ay nababalitang tatakbo raw mayor ng Maynila at kung silang tatlo nga ang magbubunong-braso sa eleksiyon sa 2025, batay sa pulsong Manilenyo, kukubra ng 75% na dami ng boto si Isko, at 17% lang si Sen. Imee Marcos at babagsak sa  7% lang ang maisusubi ni Mayora Honey.

Binabasa ninyo ito, wala pang opisyal na pahayag si Sen. Imee kung tatakbo nga siyang alkalde ng Maynila, pero maliwanag na ang sagot sa maraming botante, at ito ang patuloy na pag-iikot niya sa mga lalawigan ng bansa.

Nito lang nakaraang Hunyo at Hulyo, ilang ulit na namahagi ng ayudang Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) si Sen. Imee sa Laguna at Cavite, katuwang ang DSWD.

Batay dito, puwedeng sabihin na “out” na sa mayoral race sa Maynila si Ate Imee na nakalista sa senatorial line-up ng Partido Federal ng Pilipinas ni Presidente Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr.

Kamakailan, trending ang ilang video ni Yorme sa Tondo at ilang miting na napakalakas ang panawagan sa kanya na muling bumalik sa CityHall.

Kay lakas ng dating sa social media ng hashtag na ISKOiscoming, at ang sigawan ng mga residente na magbalik si Domagoso sa Maynila.

Latest news, Dra Honey is hoping that “Brother Isko” would reconsider his plan to go against her in 2025. Pero kung desidido si Yorme, handa siya, na sila ay magtunggali, at manalo ang higit na mas mahusay.

Pero sa ngayon, marami ang nagsasabi, at pinatutunayan ito ng mga survey, itinakda na — sa Mayo 2025, babalik si Yorme at ang sinomang magiging katiket niyang bise alkalde sa Manila City Hall.

Ito ay sapagkat itinakda na nga si Yorme Isko na maging alkalde uli upang ibalik ang ningning at sigla ng ekonomya, kabuhayan, turismo at iba-ibang serbisyo sa lungsod ng Maynila.

***

Balitang-balita na kakain ng alikabok sa karera sa city hall ang makakalaban ni Yorme Isko!

Samantala, patuloy ang pagdami ng suporta kay Isko Moreno, at nalalagasan na ng kabig ang nakaupo sa city hall, na ang tanging sinasabi ay ang pakiusap, ang panawagan na sana — ang pagiging “pamilya” nila ni Mayor ang umiral at hindi ang politika.

Pero ang sabi ni Moreno, ang pagkakaibigan o ang pagiging “mag-ate” at relasyong parang isang pamilya ay natatapos kung ang nakataya ay ang kapakanan, kabutihan ng mga mamamayan ng Maynila.

Tama na unahin ni Yorme Isko ang kapakanan ng mas maraming Manilenyo — na ito, kung tutuusin ang tunay niyang “pamilya” noong siya ay naging Ama ng Lungsod noon.

At nais niya, bilang Ama ng Maynila, ibabalik niya ang sigla, ningning ng siyudad at ang pagbangon ng “Bagong Maynila.”

Tama si Yorme Isko: matatapos ang pagkakaibigan (personal man o sa politika), kung ang nakataya ay ang kapakanan at kabutihan ng mamamayang Manilenyo.

Wala rito ang personalan, tama at maayos na seribyo lamang, at iyan ang nais ni Yorme Isko.

Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe lang sa [email protected].