(Itinakda ng DA sa Abril 7-8) FOOD SECURITY SUMMIT KASADO NA

duterte2

ITINAKDA ng Department of Agriculture (DA) sa unang linggo ng Abril ang food security summit na ipinatawag ni Presidente Rodrigo Duterte para matugunan ang mga isyu na kinakaharap ng food industry.

Ayon kay DA Assistant Secretary Noel Reyes, ang National Food Security Summit ay gaganapin sa Abril 7 at 8.

“Ito ay gagawing physical and virtual,” sabi ni Reyes. Ang venue ay kasalukuyan pa aniyang pinag-uusapan.

“The Executive branch is calling for a Food Security Summit, with the Department of Agriculture (DA) as lead agency, to continue to boost and develop the agri-fishery sector through the cooperation, coordination and collaboration of the local government units (LGUs) and the private sector’s industry players and stakeholders,” pahayag ni Presidential spokesperson Harry Roque.

Kabilang sa mga isyu na layong tugunan ng summit ang mataas na presyo ng baboy, pagbaba ng farmgate prices ng palay, at ang pananalasa ng African swine fever (ASF).

Ipinatawag ng Malakanyang ang food security summit makaraang manawagan ang Pork Producers’ Federation of the Philippines (ProPork) sa pamahalaan na magsagawa ng nationwide dialogue para tugunan ang kakulangan sa suplay ng manok at baboy na nagresulta sa pagsipa ng presyo ng mga ito.

Ang kakulangan sa suplay ng baboy at manok ay lumala nang hindi magtinda ang mga vendor para maiwasan ang lalong pagka-lugi  nang magkabisa ang price cap na ipinatupad ng Pangulo sa Metro Manila noong Pebrero 8.

Comments are closed.