NAGTAKDA ang Land Transportation Office (LTO) ng price ceiling sa driving school fees, na magiging epektibo simula sa April 15.
Para sa motorcycle driving, ang maximum total prescribed rate ay P3,500—P1,000 para sa theoretical driving course (TDC) at P2,500 para sa practical driving course (PDC).
Para sa light vehicle driving, ang maximum total prescribed rate ay P5,000—P1,000 para sa theoretical driving course (TDC) at P4,000 para sa practical driving course (PDC).
Ayon kay LTO chief Jay Art Tugade, ang desisyon na magtakda ng price cap ay nabuo kasunod ng mga reklamo laban sa mahal na driving school fees.
Binigyang-diin niya na mahigpit na ipatutupad ng LTO ang maximum fees, kasabay ng babala sa accredited driving schools na mahaharap ang mga ito sa parusa kapag hindi sumunod sa itinakdang guidelines.
“Sana ‘yung mga driving school magpababaan ng presyo at magpagandahan ng serbisyo,” aniya.
Tiniyak din ni Tugade na kikita pa rin ang driving schools sa kabila ng bagong guidelines.
“The rates were computed to make sure that driving institutions still get a fair return of investments and at the same time make it affordable to the public,” anang opisyal.
Sinabi ng LTO na bukod sa itinakdang maximum rates, ang accredited driving institutions ay aatasan ding magsagawa ng mandatory 15-hour TDCs sa loob ng dalawang araw — ang unang pitong oras sa unang araw at ang nalalabing walong oras sa ikalawang araw.
Samantala, ang practical driving instructions ay hindi dapat bababa ss walong oras kada driver’s license code na inaplayan.
“PDC for light and heavy vehicles shall be conducted for at least two days while 8-hour PDC for motorcycles may be conducted in one day, provided that the student-driver has proven to have already acquired the knowledge based on the assessment by a practical driving instructor,” nakasaan sa bagong guidelines.