(Itinulak ni Cayetano)SENATE PROBE SA OVERPRICED DEPED LAPTOPS

Alan Peter Cayetano

Sa paghahain ng Senate Resolution No. 134 noong August 11, 2022, sinabi ni Cayetano na may kagyat na pangangailangan na maimbestigahan ng Senado ang naturang isyu upang makatulong sa paglikha ng batas at para alamin kung bakit natagalan ang pagbili ng mga laptop gayong dapat napabilis ang proseso sa ilalim ng Bayanihan II.

Tinukoy ni Cayetano ang ulat na inilabas noong July 29, 2022 ng Commission on Audit (COA), kung saan ipinunto ng ahensiya ang pagiging overpriced ng mga laptop na binili ng Department of Budget and Management Procurement Service (DBM-PS) kumpara sa unit specifications ng mga ito.

Binili ang mga laptop gamit ang P4-bilyong pondo na inilaan para sa implementasyon ng Digital Education, Information Technology (IT) at Digital Infrastructures and Alternative Learning Modalities bilang bahagi ng Bayanihan to Recover As One o Bayanihan II Act.

Inaprubahan ang naturang panukala noong September 11, 2020, sa panahon ni Cayetano bilang House Speaker, upang tulungan ang mga guro na makaangkop sa hybrid learning at makapagturo sa mga mag-aaral online.

Gayunpaman, nagkaroon ng siyam na buwang pagitan mula sa pag-apruba ng budget at sa mismong pagbili ng mga laptop. Naigawad ang kontratang nagkakahalaga ng P2.4 billion para sa pagbili ng mga laptop noong June 30, 2021, samantalang nasimulan na lamang ang pagbibigay ng laptop sa mga guro noong August 2021, ayon sa DepEd.

Sa kanyang resolusyon, sumipi si Cayetano mula sa Mga Kawikaan 29:2, kung saan nasusulat na “kapag matutuwid ang namamahala, nagdiriwang ang madla. Ngunit kapag ang nangunguna ay masama, silaʼy lumuluha.”

Dagdag pa niya, lumuluha ang sambayanang Pilipino sa kabiguan ng gobyerno na pigilan ang korupsiyon sa nakaraang mga administrasyon, at nanganganib na maging panibagong kaso ng katiwalian ang umano’y maanomalyang pagbili ng mga laptop na marapat lang imbestigahan.

Sinabi ni Cayetano na may pangangailangang siguraduhin ang integridad ng procurement service ng pamahalaan lalo na’t may ilang nakabimbing panukala sa Senado patungkol sa pagbili at pamamahagi ng mga learning gadget para sa mga guro at mag-aaral.

“There is a pressing need to ensure that the hard-earned money of taxpayers are put to good use, especially during this time of pandemic, and that the goals of the Bayanihan to Recover As One Act are achieved,” wika ni Cayetano sa kanyang Senate resolution.

Iminungkahi rin ni Cayetano na usisain ng Senado ang “evident discrepancy” o malaking diperensiya sa pagitan ng P4-billion pondo na ipinagkatiwala sa DepEd upang ipatupad ang Digital Education, Information Technology (IT) at Digital Infrastructures and Alternative Learning Modalities sa ilalim ng Bayanihan II, at ng P2.4 bilyon na presyo ng kontrata sa umano’y overpriced at malumang mga laptop na ipinamahagi sa mga guro.

“In order to build our nation, we have to stand for what is right. Ang tama ay tama, at ang mali ay mali,” ayon sa senador.

“It is high time to meet the issues head-on, determine where accountability lies. Dapat malaman ng taumbayan kung mayroong pagkakamali, saan nagkamali at paano maitatama ang mali,” dagdag pa ni Cayetano sa resolusyon.