NAGPAHAYAG ng pag-aalala si House Deputy Majority Leader at Iloilo Ist District Janette Garin na bagamat pinag-aaralan ng Kamara ang isinusulong ng Senado na dagdagan ng P100 ang arawang sahod ng mga manggagawa, subalit posible itong makaapekto lalo na sa maliliit na negosyante na maaaring magsara kung hindi na kakayaning magpasahod.
“Naipasa nila ‘yung P100 wage hike. Iyan nga ay patuloy na dini-delibarate dito sa Kongreso kasi maganda ang intensyon. Pero parang mababa ‘yung P100. Kasi sa mahal ng mga bilihin ngayon, parang hindi siya sang-ayon sa pangangailangan ng taumbayan,” ang sabi ni Garin.
Bagamat binati ni Garin ang Senado sa pagkakapasa nito sa second reading ng legislative measure na layuning magkaroon ng karagdagang P100 increase sa daily minimum wage subalit hindi rin naman umano ito magiging sapat sa pangangailangan ng mga PIlipinong manggagawa bagkus magdudulot lamang aniya ito ng suliranin sa mga negosyante na maaaring maapektuhan ang operasyon lalo na ng maliliit na negosyante.
Nanawagan ito sa Senado na balansehin kung ano ang makabubuti pareho sa mga nagtatrabaho at ayaw rin naman aniya ng pamahalaan na maraming magsarang kompanya lalo na ang maliliit na negosyante dahil dito.
“Pilit na nagsu-survive ang ating mga negosyante. At hinahanap talaga ng gobyerno ang lahat ng ating makakaya para i -assist sila.Kasi, that survival is very important for the next five years after the pandemic,” sabi ni Garin.
Nilinaw nito na hindi kumokontra ang Kamara sa isang “legislated wage hike” lalo na sa mga “minimum wage earners” sa pribadong sektor. Sa katunayan aniya ay marami silang tinatalakay sa mababang kapulungan tungkol sa mga hakbang upang matulungan ang mga manggagawa sa buong bansa lalo na sa panahon ng inflation, subalit kailangan na mabalanse ang mga interes ng manggagawa at pribadong kompanya, lalo na sa micro, small, at medium enterprises (MSMEs) na 90 porsiyento na nagbibigay ng kabuhayan sa mga Pilipino na kailangan din aniyang protektahan.
“Mas mabuti sana kung dapat mas mataas ‘yun kagaya nga ng masinsinang inaaral ng Kongreso. Subalit and’un din kasi yung balance. Kaya nga Congress was actually looking into the possibility of a P350 wage hike. At matagal na po ‘yan nakabinbin at sa katotohanan lang eh talagang ‘yung liderato ng Kongreso ay medyo pinu-push sana ito,” sabi niya.
“Magandang gumawa ng batas pero mahirap magpaasa kung walang pag-asa. Kasi ‘pag tinaas natin ‘yung sweldo, dapat ‘yung kaya ng ating mga negosyante, eh sa Pilipinas, 98 to 99 percent of the business sector are MSMEs,” dagdag ng kongresista.
“Kasi at this point of time, the primary goal of the government could be sustaining all existing businesses.Sa ngayon ang ginagawa ng ating mga neighboring countries, even all over the world, globally, ang ginagawa ng mga gobyerno ay tulungan ang lahat ng negosyante na huwag madagdagan ‘yung mga nagsasara na.So yan po ang tinatawag natin na balance, giit pa ni Garin.