(Itinutulak para makalikha ng mas maraming investments, trabaho) DAGDAG NA BUDGET SA DTI

trabaho

UPANG makalikha ng mas maraming investments at trabaho, isinusulong sa Kamara ang pagkakaloob ng mas malaking budget sa Department of Trade and Industry (DTI) at sa attached agencies nito.

Ayon kay AKO Bicol Party-list Rep. Elizaldy Co, chairman ng House Committee on Appropriations, hahanap ng paraan ang panel para madagdagan ang budget ng DTI, ang pangunahing investment promotion agency ng bansa, na ang expenditure proposal ay tinapyasan sa 2024 national budget na nakabimbin ngayon sa Kamara.

“We have to spend more to develop the products we export as well as train Filipinos to be entrepreneurs; to be job creators, not seekers. If we could do this, we could prevent our people from voting with their feet,” sabi ni Co.

Sa budget hearing noong nakaraang linggo, ikinalungkot ni DTI Secretary Alfredo Pascual ang desisyon ng Department of Budget and Management (DBM) na itakda ang expenditure program ng ahensiya sa susunod na taon sa P7.91 billion, mas mataas sa spending plan ngayong taon ngunit one-third lamang ng orihinal na budget proposal ng DTI na P21.03 billion para sa 2024.

Ang Office of the Secretary at ang Board of Investments ay kabilang sa biggest losers sa national expenditure program para sa2024.

Tinapyasan ng DBM ang budget ng Office of the Secretary sa P5.32 billion mula sa panukalang P12.61 billion habang ang alokasyon para sa BOI ay ibinaba sa P659 million mula sa panukala ng ahensiya na P1.85 billion.

Sa datos na naghahambing sa panukala ng DTI at ng budget na isinumite ng DBM sa Kongreso ay lumabas din ang pagbabawas sa paggasta para sa development projects para sa industriya. at para sa micro, small and medium enterprises, consumer protection program, Malikhaing Pinoy at pagtatayo ng Negosyo Centers.

Sinabi pa ni Pascual na hindi rin pinaglaanan ng pondo sa 2024 national expenditure program ang mga programa na dinisenyo ng DTI para higit na maihanda ang ekonomiya sa mas makabagong teknolohiya tulad ng artificial intelligence.

-(PNA)